Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

"Ang kapangyariha'y mula sa mga mamamayan," sabi ni Pangulong Aquino

(GMT+08:00) 2012-06-12 18:30:45       CRI

NAPAKAHALAGA ng Saligang Batas sa mga mamamayan ng Pilipinas. Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III sa kanyang talumpati sa Simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos (Bulacana) sa pagdiriwang ng ika-114 na Araw ng Kalayaan.

Sa Barasoain Church isinagawa ang unang Saligang Batas ng Pilipinas noong 1899 sa panulat at kaisipan ng pitumpung kinatawan ng iba't ibang lalawigan dala ang mga adhikain ng bawat pook at komunidad ng bansa.

Pinuri ni Pangulong Aquino ang mga bumuo ng Malolos Constitution sapagkat inuna nila ang interes ng bayan. Sa kanilang ginawa, naging saligan ito ng katarungan at nagtanggol at nagtaguyod ng kabutihan at tumiyak ng karapatan ng bawat mamamayan.

Binanggit ni Pangulong Aquino na masusi niyang pinag-aralan ang mga Saligang Batas ng Pilipinas mula noong 1935 at 1987 at napuna niyang ginamitan ng iba't ibang paraan ng mga mamamayan upang matiyak ang kanilang matatamong biyaya sa nilalaman nito.

Binanggit pa rin ni Pangulong Aquino ang impeachment case laban kay Chief Justice Renato Corona ang diumano'y nagpatingkad sa diwa ng demokrasya. Karapatan umano ng mga Pilipinong mabatid ang katotohanan at madama ang demokratikong sistema sa bansa. Sa mga naglilingkod sa taong-bayan, ipinagunita ng impeachment proceedings na ang kapangyarihang nasa kanila'y pahiram lamang ng mga mamamayan at may kasamang responsbilidad at pananagutan.

Talamak umano ang korupsyon dahilan sa pagdami ng mga sakim sa kapangyarihan at dumami rin ang mga manhid at nagwalang-kibo. Tuloy na umano ang paglalakbay ng Pilipinas tungo sa daang matuwid, dagdag pa ni Pangulong Aquino.

Ipinaliwanag din niyang ang susunod na Araw ng Kalayaan ay kanyang pamumunuan sa Pinaglabanan sa Lungsod ng San Juan at nais din niyang isagawa sa Kabisayaan at maging sa Mindanao. Ang dahilan sa likod ng pagdiriwang sa iba't ibang bahagi ng bansa ay upang maipadama sa mga mamamayan ang kasarinlan 'di lamang tulad ng naganap sa Kawit, Cavite o sa Lungsod ng Malolos.

Demokrasya ang pinaka-kaluluwa ng Saligang Batas na hindi kailanman papayagang masira ninoman, dagdag pa ni Ginoong Aquino.

Samantala, pinamunuan naman ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay ang pagdiriwang sa Luneta kaninang umaga. Sa kanyang mensahe, sinabi ni Ginoong Binay na isang natatanging pagkakataon ang pagdiriwang ng anibersaryo ng kalayaan sapagkat ito'y isang paraan upang makipag-ugnay sa isa't isa at masariwa ang diwa at kadakilaan ng pinagmulan ng mga mamamayang Pilipino.

Kailangan ding sariwain ang kadakilaan ng mga bayaning lumaban upang mapalaya ang bansa at ang sambayanang Pilipino.

Ang kalayaan, ayon sa pangalawang pangulo ay nagmula sa pinagsamang tagumpay at pananagutan ng buong bayan. Hindi ganap ang kalayaan kung maraming mga mamamayan ang umaasam pa ng mas magandang buhay.

Batid umano nila ni Pangulong Aquino na matayog ang hamong ito. Nanawagan siya sa madla na magkaisa sa iisang layunin na siyang magbibigay ng magandang buhay sa bawat Pilipino.

Sa Malacanang, sa tradisyunal na vin d'honneur, sinabi ni Pangulong Aquino na bilang isang bansa, layunin din ng mga Pilipino ang kapayapaan at kaunlaran para sa rehiyon at sa buong daigdig na siyang sandigan ng kaunlaran para sa lahat.

Inuulit umano ng mga namumuno sa bansa na magkatotoo ang kaunlaran para sa higit na nakararaming mga mamamayan. Batid rin umano ng kanyang liderato na ang mga mithi ng iba't bang bansa ay magkaka-ugnay. Hindi kailanman magaganap ang kaunlaran kung iisang bansa lamang ang makikinabang. Kailangan umano ang pagtutulungan at paglutas ng mga problema ng sama-sama at makagawa ng mas magandang daigdig para sa lahat.

Nanawagan siya sa mga sugo ng iba't ibang bansa na magsama-sama sa pagtutulungan upang matamo ang pagkakaunawaan at kapayapaan.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>