|
||||||||
|
||
EMBAHADA NG PILIPINAS SA NAIROBI, NAKIKIPAG-USAP NA SA PAMAHALAAN UPANG TULUNGAN ANG PILIPINONG BINIHAG
SINABI ni Assistant Secretary Raul Hernandez na hiniling na ng Embahada ng Pilipinas sa Nairobi sa pamahalaan ng Kenya na kumilos upang mailigtas ang Pilipinong si Glenn Costes, isang aid worker ng Norwegian Refugee Council. Humiling na rin sila ng regular updates sa mga ginagawa ng pamahalaan sa insidente.
Sa kanyang mensaheng ipinadala sa mga mamamahayag, sinabi ni Assistant Secretary Hernandez na nakausap na rin ng mga tauhan ng embahada ang Norwegian Refugee Council at iba pang mga embahada na may mga nabiktima rin ng hostage-taking upang magkabalitaan kaagad.
Mga armadong kalalakihan ang dumukot sa apat na refugee workers at pumatay sa kanilang tsuper kahapon sa Dadaab Refugee Camp malapit sa hangganan ng magulong bansang Somalia.
Ang mga aid worker na kasama ni Glenn Costes ay nagmula sa Canada, Norway at Pakistan. Namatay ang kanilang tsuper samantalang ginagamot sa isang ospital. Nagpadala na ang Kenyan government ng military helicopters upang habulin ang mga dumukot sa aid workers, ayon kay Philip Ndolo, isang police officer.
Ang Norwegian Refugee Council ay abala sa pagtulong sa halos kalahating milyong naninirahan sa Dadaab complex.
Dalawang iba ang nasugatan sa insidente. Noong nakalipas na Oktubre, dinukot din ang dalawang Kastilang manggagamot na kabilang sa Medecins sans Frontieres na sina Monstreserrat Serra at Blanca Thiebaut. Hindi pa rin sila nakakalaya.
IKAWALANG TAON NG PANUNUNGKULAN NI PANGULONG AQUINO KINAKITAAN NG MGA PAGBABAGO
NGAYONG araw na ito ginugunita ang ikalawang taon ng panunungkulan ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.
Sinabi ni Atty. Abigail Valte, ang isa sa kanyang mga tagapagsalita, na sa dalawang taong panunungkulan ay kinakitaan ng tunay at makabuluhang pagbabago sa paraan ng pagpapatakbo ng pamahalaan, sa uri ng pananaw ng iba't ibang bansa at sa paraan ng mga mithiin ng taongbayan.
Natapos na umano ang kawalan ng pag-asa at nagkatotoo na ang mga inakalang hindi magagawa. Nagkakabuklod na ang lahat, sabi pa ni Atty. Valte sa pagbuo ng isang lipunang makatarungan, maunlad at pinakikinabangan ng nakararami.
Nagpapasalamat si Pangulong Aquino sa mga mamamayan sa mainit na pagsuporta kaya't nagkaroon ng lakas ng loob na ipatupad ang mga pagbabagong kailangan ng bansa. Ito umano ang kadluan niya ng lakas at paraan upang maisulong pa ang bawat palatuntunang kailangan ng bansa.
Kahit marami na umanong nagawa, mas marami pang nararapat gawin. Magpapatuloy ang pamahalaang maglingkod at sa pangmatagalan ay matatamo na rin ang matuwid na daan.
Hindi nagbabago ang mensahe ng pamahalaan, ang tapat at nananagot na pamamalakad ng pamahalaan ang siyang pandayan ng mas magandang kinabukasan ng taongbayan, dagdag pa ni Atty. Valte.
BANTOG NA KORO NG PAMANTASAN NG SANTO TOMAS, UMAWIT SA MACAU, BAHAGI NG PHILIPPINES-CHINA YEAR OF FRIENDLY EXCHANGES
ANG bantog na koro ng Pamantasan ng Santo Tomas ay umawit sa Venetian Hotel sa Macau kamakailan bilang bahagi ng 2012-2013 Philippines-China Year of Friendly Exchanges.
Sa ilalim ng kanilang maestro, Propesor Fidel Calalang, Jr. ang 27-kataong koro ay nagparinig ng magagandang awitin na pinamagatang Comemorar! Philippines Sings for Macau. Halos isang libo katao ang nanood ng konsiyerto.
Mga kinatawan ng pamahalaan, mga kasapi ng consular corps ng Macau, mga negosyante, mga pari't madre, mga pinuno ng mga komunidad at NGOs ang dumalo sa pagtatanghal.
Kabilang sa kanilang mga inawit ang The Lorde's Prayer, Alleluia, Look at the World; El Bodeguero, Eres Tu, at mga awiting Pilipino tulad ng Libis ng Nayon, Ang Maya, Kailangan Kita at Tuwing Umuulan at Kapiling Ka.
Isang himpilan ng telebisyon sa Macau, ang TDM ang siyang naglaan ng oras para sa coverage at nagsabing maganda ang pagtatanghal ng bantog na koro mula sa Pilipinas.
PAGBABALIK NG MGA KABATAAN SA PAGSASAKA, MALAMANG NA MAGANAP
MALAKI ang posibilidad na madagdagan ang mga magtatapos ng high school na magpapakadalubhasa sa pagsasaka sa kanilang pag-aaral sa kolehiyo. Ito ang pag-asa ni Dr. Jesusita Coladilla ng University of the Philippines Los Banos – School of Environmental Scinece and Management.
Sa kanyang talumpati sa 1st National Agritourism Research Conference sa Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) sa Los Banos, Laguna, sinabi ni Dr. Coladilla na halos wala ni isang mag-aaral sa bawat sampung pumasok sa Pamantasan ng Pilipinas ang nagpapakadalubhasa sa Pagsasaka o Agriculture.
Sa nakalipas na 30 taon, ang enrolment sa agriculture sa Pamantasan ng Pilipinas ay patuloy na nabawasan mula sa 51% ng mga mag-aaral sa UPLB noong 1980 at bumagsak ito sa 43% noong 1995 at ngayo'y 4.7% na lamang para sa taong 2012.
Nawalan na umano ng interes ang mga kabataan sa Agrikultura, dagdag pa ng propesor.
Kung magpapatuloy ang kalakarang ito, magiging malaking panganib ito para sa agricultural labor force at maging sa food security ng Pilipinas. Hindi na umano pinapayuhan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magsaka pa at sundan ang kanilang mga kinagawian.
Kailangan umanong baguhin ang takbo ng agricultural education at bigyang-diin ang mga praktikal na bagay, tulad ng kung paano kumita ng pera sa pagsasaka. Ang pagdadala sa mga kabataan sa iba't ibang sakahan ay makatatawag pansin at makaka-akit sa mga mag-aaral, dagdag pa ni Dr. Coladilla.
Isang paraan, ani Dr. Coladilla ay ang pagsusulong ng Agritourism. Inbihalimbawa niya ang pagdalaw ng mga propesor at dalubhasa mula sa Pilipinas, India, Bangladesh, Malaysia, Indonesia, Bhutan, Nepal, Pakistan, Somalia, Nigeria, Estados Unidos, Francia, Ethipia at Laos sa commercial goat, dairy, poultry at hog farms.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |