Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Dalawa ang nasawi, anim ang nawawala sa bagyong "Ferdie"

(GMT+08:00) 2012-07-22 16:24:58       CRI

July 21, 2012

DALAWA ANG NASAWI, ANIM ANG NAWAWALA SA BAGYONG "FERDIE"

MALAKAS na ulan na may pagbugso ng hangin ang gumising sa halos 12 milyong mga mamamayan ng Metro Manila kaninang umaga. Naging dahilan ito ng pagbaha sa mga malalaki at maliliit na lansangan. Kanselado rin ang klase sa lahat ng pamantasan sa Lungsod ng Maynila.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), dalawa ang nalunod sa Lumban, Laguna at sa Naguillan, La Union samantalang anim ang nawawala sa Cainta, Rizal, sa San Gabriel La Union at apat na mangingisdang tinamaan ng malalaking alon sa baybay-dagat ng Bolinao, Pangasinan. Nag-utos na ang Philippine Coast Guard Northern Luzon na maglunsad ng search and rescue operations upang matagpuan ang mga nawawalang mangingisda.

Ang ferry boat operations sa Lallo, Cagayan ay pinayagan ng maglayag subalit pang pasahero lamang ang aalis sa daungan ng Magapit. Hindi pa rin papayagan ang mga bangkang pangkargamento. Lahat ng mga bangkang de motor ay 'di pa pinapayagang maglakbay ng Philippine Coast Guard sa Aparri, Cagayan samantalang ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa Aurora ay nanawagan na rin sa mga mangingisdang huwag munang mamalakaya upang huwag mapahamak.

Binantayan na rin ng mga autoridad ang pagtaas ng tubig sa mga dam sa paligid ng Metro Manila.

Ang pulisya sa Metro Manila ay inatasan na ring tumulong sa paglilinis ng mga lansangan kasama ang Department of Public Works and Highways.

Sinabi ni Nikos Penaranda ng PAG-ASA na halos umabot sa 40 milimetro ang ibinuhos na ulan oras-oras mula kaninang umaga. Nakasabay pa ng high tide ang pagdaloy ng tubig-ulan kaya't hindi napigil ang pagbaha sa malaking bahagi ng Metro Manila.

Pinayuhan na ang mga naninirahan sa mababang bahagi ng Metro Manila at kalapit lalawigan na mag-ingat bukod sa pagbaha at pagguho ng lupa.

MGA OBISPO, UMAASANG NAKAKARINIG NG KATOTOHANAN KAY PANGULONG AQUINO

NANINIWALA ang mga Obispo ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas na totoo ang ibabalita ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa kanyang ikatlong State of the Nation Address sa pinagsamang sesyon ng Senado at Kongreso sa Lunes, ganap na ika-apat ng hapon.

Ayon kay Arsobispo Jose S. Palma, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, nais niyang marinig kay Pangulong Aquino ang kanyang pananaw at direksyon kung saan niya dadalhin ang bansa. Nais din niyang marinig ang mga prayoridad at mga hakbang na gagawin upang matamo ang mga adhikain ng pamahalaan at mga mamamayan.

Para kay Bishop Deogracias Iniguez, Jr. ng Kalookan, umaasa siyang marinig si Pangulong Aquino na magsalaysay ng mga paraan upang maibsan ang kahirapan at mapagtanto ng mga kawani ng pamahalaan na ang mga mamamayan ang kanilang mga amo.

Gusto rin niyang mapakinggan ang progresong natamo ng pamahalaan sa pakikipag-usap sa National Democratic Front of the Philippines.

Samantala, si Caceres Archbishop Leonardo Z. Legazpi ay nagnanais namang makarinig ng mga nagawa ng administrasyon sa ilalim ng "transformational presidency." Idinagdag ng arsobispo na gusto niyang marinig ang mga tugon ng pamahalaan sa karapatang mabuhay, hanapbuhay, pasahod, pabahay at kung mayroon nang nagkatotoo sa mga binanggit noong una at pangalawang State of the Nation Address noong 2010 at 2011.

Mula sa isa sa pinakamahirap na lalawigan ng bansa, sinabi ni Bishop Martin Jumoad ng Basilan na sana raw ay hindi plano lamang ang maririnig sa talumpati ni Pangulong Aquino. Nararapat daw mag-ulat ang pangulo sa mga nagawa sa infrastructure at paghahatid ng basic services sa kanayunan.

Idinagdag naman ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco na ang lahat ng nagawa ng pamahalaan ay magkakaroon lamang ng kahulugan kung ang sandiga'y paggalang sa buhay mula sa paglilihi hanggang sa kamatayan.

PANGALAWANG PANGULONG BINAY, NANAWAGAN SA MGA PILIPINO SA SYRIA: UMUWI NA MUNA KAYO!

DAHILAN sa kaguluhang nagaganap sa Syria, nanawagan si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa mga Pilipinong naroon na makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Damascus upang makauwi kaagad.

Mahalaga ang buhay at kaligtasan ng lahat ng Pilipino sa Syria, dagdag ni Ginoong Binay. Handa naman ang pamahalaan na tulungan silang makauwi sa Maynila.

Maaari silang tumawag sa 011-6115893 para sa mga Pilipinong nasa Syria at sa +963 11613266 at +963116115893 para sa international calls at sa pe.damascus@dfa.gov.ph

Puede rin silang tumawag sa Philippine Honorary Consul sa Aleppo sa +963215110220 at 5120220 at maging sa email address na info@phaleppo.org.

Mayroon pa umanong 9,000 Pilipino sa Syria, sa Damascus, Homs, Aleppo, Daraa at Idlib.

Naunang ibinalita ng Commission on Filipinos Overseas na mayroong 24,004 na Pilipino sa Syria noong 2010. May 10,000 ang mga undocumented o irregular migrants na illegal na nakapasok ng bansa. May 100 mga Pilpino ang pumapasok sa Syria sa illegal na paraan.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>