|
||||||||
|
||
ANG halos walang-humpay na pag-ulan ang nagpabaha sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas at naging dahilan ng pagkasuspinde ng mga klase mula sa elementarya, high school hanggang kolehiyo.
Ang ulang dala ng bagyong "Gener" na may international name na Saola ang nagpa-apaw sa mga ilog, naging dahilan ng pagguho ng lupa, pagkapinsala ng mga pananim at mga lansangan at naging dahilan pa ng pagka-kansela ng biyahe ng eroplano. Ang malalaking alon din ang pumigil sa paglalakbay ng mga sasakyang-dagat mula sa Cebu.
Kumikilos na si "Gener" patungong hilaga-hilagang kanluran sa bilis na labing-isang kilometro bawat oras na may lakas ng hanging mula 105 kilometro bawat oras hanggang 135 kilometro bawat oras.
Sinabi ni Defense Undersecretary Benito Ramos, Administrador ng Office of Civil Defense, inaasahan pang magpapalakas sa panahong habagat ang bagyong "Gener" na magdudulot ng matinding pag-ulan sa gitna at katimugang Luzon hanggang sa Kabisayaan at maging sa hilagang Mindanao.
Pinayuhan na ang mga naninirahan sa mga mabababang pook na magsilikas na at umiwas sa pagbaha at malakas na pag-alon. Apektado ng masamang panahon ang mga pook na nasa ilalim ng Public Storm Signal No. 2 kabilang ang Cagayan at Calayan at Babuyan Islands at ang mga kapuluang sakop ng Batanes.
Umaabot sa 700 kilometro ang lawak ng bagyong "Gener."
Idinagdag ni Ginoong Ramos na may walong evacuation centers na pansamantalang kinalalagyan ng 1,293 katao mula sa 310 pamilya. Dalawang lansangan sa Benguet, isang lansangan sa Mountain Province at isa ring lansangan sa Ifugao ang nasira ng bagyong "Gener." Isang tulay at isang lansangan ang nasira sa Palawan at isang tulay naman ang nabalitang napinsala sa Occidental Mindoro.
Pitong flights naman ang hindi natuloy sa pag-itan ng Maynila at Caticlan, ang pinakamalapit na paliparan sa Boracay. Dalawang flights sa pagitan ng Maynila at Legazpi ang hindi itinuloy dahilan na rin sa sama ng panahon. Naantala naman ang biyahe ng eroplano mula sa Clark International Airport patungo sa Tsina, Singapore at Hong Kong. Nagkaroon din ng pagkabalam ang biyahe mula Cebu patungong Davao, Taipei at Cambodia.
Walang klase mula Kindergarten hanggang high school sa San Juan, Quezon City, Navotas, Maynila, Pasay, Malabon, Mandaluyong, Pasig, Makati, Marikina, Muntinlupa, Taguig, Valenzuela, Paranaque, Caloocan, Pateros at Las Pinas. May local government units na nagsuspinde ng klase mula kindergarten hanggang kolehiyo. Walang klase sa mga bayan ng Obando, Meycauayan at Marilao sa Bulacan at sa buong lalawigan ng Nueva Ecija. Sa buong Lalawigan ng Laguna ay walang pasok tulad ng mga bayan ng Talisay sa Batangas at mga bayan ng Dasmarinas, Bacoor, Naic at Rosario sa Cavite.
Suspendido rin ang klase hanggang kolehiyo sa Cainta, Antipolo, Montalban at Rodriguez, Rizal at sa mga bayan ng Tanay, Taytay, Teresa, Morong at San Mateo.
Isa katao na ang nalunod at nakilala sa pangalang Ronald Necor, 33 taong gulang mula sa Barangay Pangalcagan, Bugasong, Antique.
PANGALAWANG PANGULO AT DSWD, TUTULONG SA MGA NAPINSALA
MAGSASAGAWA ng relief operations si Vice President Jejomar C. Binay sa mga apektado ng bagyong "Gener." Nakapaghatid na ang tanggapan ng pangalawang pangulo ng 150 bag ng relief goods sa mga naninirahan sa Baseco Compound na pansamantalang naninirahan sa Baseco Covered Court. May laman itong instant noodles, corned beef, sardinas, tuna, mga biskwit, kumot at mga damit.
Magsasagawa rin ng relief operations ang kanyang tanggapan sa Sablayan, Occidental Mindoro at sa Bago, Negros Occidental.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng pangalawang pangulo na may pakikipagtulungan na ang kanyang tanggapan sa mga local government units na apektado ng sama ng panahon.
Nagkaroon ng mga pagguho ng lupa at pagbaha sa Occidental Mindoro. May 238 pamilya o 1,000 katao ang inilikas sa Bago City at maging sa bayan ng Hinoba-an sa Negros Occidental.
May inilaan nang salapi ang tanggapan ng pangalawang pangulo para sa relief operations at iba pang social services kabilang ang school supplies at burial assistance.
Samantala, mayroong standby funds sa iba't ibang rehiyon ang Department of Social Welfare and Development na nagkakahalaga ng higit sa dalawang milyong piso at higit sa apat at kalahating milyong pisong halaga ng relief goods na handang punuan ang pagkukulang ng mga munisipyong apektado ng bagyong "Gener."
Sa Cagayan Valley, mayroong nakahandang 750 family food packs at 500 pakete ng relief clothing.
Hanggang kanina, higit na sa 500 katao ang apektado ng pagbaha sa Sta. Teresita, Cagayan. Mayroong 65 evacuation centers na inihanda sa buong Cagayan Valley.
Higit sa 13,000 katao mula sa apat na bayan ng Bulacan at Occidental Mindoro ang tinutulungan na ng pamahalaan ngayon.
PAMAHALAANG PILIPINO, NAGTAGUMPAY SA REPATRIATION NG 140 MANGGAGAWA MULA SA SYRIA
AABOT sa 140 mga manggagawang Pilipino ang nakatakdang umuwi sa Pilipinas sa susunod na apat na raw sa pagtatagumpay ng pakikipag-usap ni Undersecretary Rafael Seguis ng Ugnayang Panglabas sa mga namumuno sa Syria.
Labingsiyam na Pilipino ang dumating kahapon sakay ng Etihad Airways at dalawa naman ang sumakas sa Emirates Airlines.
Walumpung Pilipino ang dumating kaninang pasado alas dos at alas tres ng hapon sakay ng Emirates and Etihad Airways at mamayang ika-sampu ng gabi.
May 27 pang darating sakay ng Emirates bukas ng alas dies ng gabi samantalang sampung manggagawang Pilipino ang sakay ng Emirates Air at darating sa Miyerkoles sa ganap na ika-sampu ng gabi.
Hindi na siningil ang mga manggawa ng exit visa fees, penalties at requirements kaya't nakatipid ang pamahalaan ng may $ 100,000. Tiniyak ng mga opisyal ng Syria na tutulong sila sa pagpapa-uwi sa may 1,404 na manggagawang Pilipino na nagsabing nais na nilang umuwi sa Pilipinas. Tutulungan sila ng mga tauhan ng embahada at sasamahan ng Rapid Response Team mula sa embahada patungo sa Damascus International Airport. Umabot na sa 1,993 ang napauwi ng Pilipinas mula sa magulong bansa ng Syria.
MGA PRAYER-VIGIL-RALLY ISASAGAWA BILANG PAGHAHANDA SA BOTOHAN SA AGOSTO 7
MAY mga nakatakdang prayer rallies at sama-samang pananalangin ang isasagawa ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas bilang paghahanda sa botohan ng mga mambabatas kung tatapusin na ang pagpapaliwanangan at pagtatanungan tungkol sa kontrobersyal na Reproductive Health bill sa darating na Martes, ika-7 ng Agosto sa Mababang Kapulungan.
Unang lumabas ang balita mula sa tanggapan ni Speaker Feliciano Belmonte, Jr. noong nakalipas ng linggo. Binanggit ni Speaker Belmonte na matagal na ang debate at paliwanagan at marapat na tapusin na ang debate upang magkaroon ng mga pagsusog sa panukalang batas.
Sa darating na Sabado, mayroong isang Prayer Power Against the RH Bill sa EDSA Shrine upang ipakita ang suporta ng mga Katoliko sa mga mambabatas na boboto sa darating na Lunes sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Fr. Melvin Castro, executive secretary ng Episcopal Commission on Family and Life, naniniwala sila sa bisa ng panalangin at mananaig ang makabubuti sa madla. Magsisimula ito sa ganap na ala-una ng hapon at magwawakas sa ganap na ika-pito ng gabi.
Samantala, isang Solidarity March at Mass for Life ang nakatakdang gawin sa Cebu sa pamumuno ni Arsobispo Jose S. Palma. Tampok ang martsa mula sa Department of Health Regional Office No. 7 hanggang sa Katedral ng Cebu mula ika-lima ng hapon hanggang ika-siyam ng gabi.
Sa Bicol Region, isang panalangin ang ipinadala ni Arsobispo Leonardo Z. Legazpi ng Caceres na babasahin sa lahat ng Misa sa darating na Linggo, ika-lima ng Agosto.
Laman ng panalangin ang panawagang magkaroon ng sapat na lakas upang ipagtanggol ang buhay at maipagtanggol ito mula sa paglilihi hanggang kamatayan. Kabilang din sa panalangin ang panawagan sa patron ng Bikol, ang Nuestra Senora de Penafrancia na pinaghahabilinan ng karapatang mabuhay ng lahat ng nilalang.
Sa panig ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, nararapat lamang ipagpatuloy ang debate sa panukalang batas upang lumabas ang katotohanan at mapagtanto ng mga mambabatas ang kawalan ng saysay ng Reproductive Health bill.
ANG BUHAY AY BIYAYA NG DIYOS, SABI NI ARSOBISPO PALMA
ANG bawat isinisilang na sanggol ay isang ala-ala ng Panginoong Diyos, isang bagong buhay at dahilan ng pagdiriwang at pagpapapuri sa Panginoong Diyos na may gawa ng buhay mula sa pag-ibig.
Ito ang buod ng pahayag ni Arsobispo Jose S. Palma, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na ipinalabas ngayong araw na ito.
Ang pagkakaroon ng positive birth rate at pagkakaroon ng maraming mamamayan ay siyang nagpapatakbo sa ekonomiya ng bansa na pinagtatangkaan ng pamahalaang mapakain, maturuan at mapanatiling malusog.
Maliwanag ito sa Saligang Batas ng Pilipinas, dagdag ng Arsobispo ng Cebu na ang mga mamamayan ay "primary social and economic force."
Kahit na ang Bangko Sentral ng Pilipinas ay nagsabing ang sahod ng mga manggagawang Pilipino mula sa ibang bansa ay patuloy na tumaas at umabot sa $ 18.3 bilyon sa unang labing-isang buwan ng 2011.
Nagpupunyagi ang mga manggagawang Pilipino na buhayin ang ekonomiya ng bansa. Kahit na umano si dating Pangulong Bill Clinton ng America ay nagsabing malaking tulong ang mga mamamayan sa ekonomiya.
Ikinababahala ni Arsobispo Palma ang pahayag ng pamahalaang ang maraming mga bata ay isang dagok sa pambansang budget.
Ipinagtanong niya kung maaari bang magkaroon ng sapat na kabataang nakapag-aral at may kakayahan upang higit na sumigla ang ekonomiya.
Ang nilalaman ng Reproductive Health bill ang siyang hahadlang sa paglago ng ekonomiya. Ang mga problema ng mga bansang dating mayroong magagandang ekonomiya ay ang kawalan ng mga batang manggagawang magpapatakbo ng kanilang industriya at kaukulang tulong sa mga nagkaka-edad na mamamayan.
Bagama't malaking isyu ang pagkamatay ng mga ina sa pagsisilang ng kanilang sanggol, wala ang solusyon sa pagsugpo sa panganganak tulad ng nilalaman ng RH bill. Ang solusyon ay nasa pagpapalakas at pagsasa-ayos ng access ng mamamayan sa mga pagamutan.
Masama ang patutunguhan ng bansa kung hindi kikilalanin ng pamahalaan ang mga mamamayan nito bilang kadluan ng biyaya. Higit na nakababahala, ani Arsobispo Palma kung susugpuin ng pamahalaan ang pagdami ng mga mamamayan sa pamamagitan ng RH bill sa halip na hanapin ang tunay na dahilan ng kahirapan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |