|
||||||||
|
||
UMALIS na si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Masbate mga ika-apat ng hapon ay nagtungo sa Lungsod ng Naga upang makausap ang maybahay ng nawawalang Kalihim Jesse M. Robredo.
Ayon kay Kalihim Manuel Araneta Roxas II, babalitaan ni Pangulong Aquino si Ginang Leni Gerona Robredo kung ano na ang nagawa ng mga tauhan ng pamahalaang naghahanap sa eroplanong bumagsak noong nakaraang Sabado, may 500 metro mula sa paliparan ng Masbate.
Bagama't wala pang progresong natatamo sa recovery efforts, ibabalita ng pangulo ang ginagawang pagkilos ng pamahalaan upang matagpuan ang sinamang-palad na eroplano.
Sa Masbate na natulog si Pangulong Aquino kagabi at nangasiwa sa search and rescue operations.
Nagkausap sina Pangulong Aquino at Gng. Leni Robredo at mga anak sa paliparan ng Naga sa Pili, Camarines Sur. Kasama ni Ginang Robredo si Kalihim Corazon Juliano Soliman ng Social Welfare and Development. Hindi pinayagan ang media na saksihan ang pag-uusap nina Pangulong Aquino at ng pamilya ni Kalihim Robredo.
Mula Naga City ay babalik si Pangulong Aquino sa Maynila upang paghandaan ang gagawing paggunita bukas sa ika-29 na taong anibersaryo ng pagkakapaslang sa kanyang ama, ang lider ng oposisyon noong panahon ng diktadura, ang tanyag na Senador Benigno S. Aquino, Jr.
Binanggit din ni Kalihim Roxas na magpapatuloy ang "search and rescue operations" sa Masbate at magpapatuloy sa kanilang pagsuporta sa pamilya ni Kalihim Robredo.
SEARCH AND RESCUE OPERATIONS TULOY PA RIN. Tiniyak ni Kalihim Manuel Araneta Roxas II ng Department of Transportation and Communications na tuloy ang paghahanap sa nawawalang eroplano at mga pasahero nito sa karagatan sa pagitan ng Masbate at Ticao Island sa Gitnang Pilipinas. Makikita ang mga maninisid mula sa Philippine Coast Guard, Office of Civil Defense, Philippine Navy at mga tauhan ng Philippine National Red Cross. (Larawang kuha ng Philippine National Red Cross Masbate Chapter)
May tatlong sonar equipment na ginagamit sa paghahanap ng kaukulang impormasyon sa nawawalang eroplano. Mayroon ding magandang koordinasyon ang mga autoridad sa mga maninisid.
Idinagdag pa ni Kalihim Roxas na nag-aalok ang pamahalaan ng Estados Unidos ng remote operated vehicle na maghahanap sa lalim na higit sa 250 talampatakan mula sa sea level.
Samantala, sinabi naman ni Kalihim Edwin Lacierda, ang tagapag-salita ni Pangulong Aquino na kanilang ipinapayo sa madla na ang kanilang prayoridad sa oras na ito ay ang search and rescue para kay Kalihim Jesse Robredo at mga kasama. Tinitiyak din niya sa publiko na tuloy ang normal na operasyon ng Department of Interior and Local Government at mga ahensyang saklaw nito ay patuloy at hindi nagagambala samantalang isinasagawa ang search and rescue operations. Magkakaroon ng pahayag si Pangulong Aquino tungkol sa DILG sa angkop na panahon.
Sa Lungsod ng Naga, pinalabas naman ng pamahalaang panglunsod sa ilalim ni Mayor John C. Bongat ang panawagan sa lahat ng mga taga-Naga, mga Bikolano at mga Filipino na makiisa sa kanilang panalangin para sa kaligtasan ni Kalihim Robredo at ng mga kasamang piloto. Nanawagan din sila na manalangin sa Patrona ng Bicol, ang Nuestra Senora de Penafrancia.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |