Nag-usap kagabi sa telepono si Pangulong Xi Jinping ng Tsina at ang kanyang counterpart na Pranses na si Francois Hollande.
Bumati muna si Hollande kay Xi para sa kanyang panunungkulan bilang bagong pangulong Tsino. Ipinahayag niyang magkapareho o magkahawig ang paninindigan ng Pransya at Tsina sa maraming mahalagang isyung pandaigdig, at gumaganap ang Tsina ng mahalagang papel para sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng daigdig. Dagdag pa ni Hollande, determinado ang Pransya na mapalakas ang komprehensibo at estratehikong partnership sa Tsina.
Pinasalamatan naman ni Xi si Hollande sa kanyang pagbati. Aniya, walang humpay na umuunlad ang relasyong Sino-Pranses, at hindi magbabago ang pagpapahalaga ng Tsina sa relasyong ito. Tinukoy din ni Xi na dapat panatilihin ng dalawang bansa ang pagpapalagayan sa mataas na antas, palawakin ang pragmatikong kooperasyon, at palakasin ang pag-uugnayan at pagkokoordinahan sa mga mahalagang isyung pandaigdig.