|
||||||||
|
||
Ipininid kahapon ang Unang Sesyon ng Ika-12 Pambansang Kongresong Bayan (NPC) ng Tsina. Kasabay ng panunungkulan ng mga lider ng mga organo ng bansa na gaya ng Pangulo, Premyer, Tagapangulo ng Pirmihang Lupon ng NPC, at mga lider ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino o CPPCC, natapos ng Tsina ang pinakamalawakang paghalili ng mga mataas na opisyal ng bansa nitong nakalipas na 10 taon.
Ipinalalagay ng tagapag-analisa na ang bagong liderato ng Tsina ay isang malakas na grupong administratibo. Mamumuno ito sa mahigit 1.3 bilyong mamamayang Tsino para makuha ang bagong progreso sa landas ng pag-ahon ng Nasyong Tsino. Ayon naman sa ulat ng British Broadcasting Corporation o BBC, "ipapasiya ng bagong liderato ang direksyon ng pag-unlad ng Tsina sa darating na 10 taon."
Sa tingin ni Sun Xianzhong, Deputado ng NPC at Opisyal ng Chinese Academy of Social Sciences, naranasan ng mga miyembro ng bagong liderato ang pagsubok sa kanayunan, kaya alam nila ang kalagayan ng bansa, naramdaman ang mga kahirapan sa pamumuhay ng mga mamamayan, at may malinaw na kaalaman sa landas ng pag-unlad ng bansa sa hinaharap. Lipos din sila sa katalinuhan at administratibong karanasan. Sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na aksyon, mga mabisang hakbangin at pagpapahalaga sa inobasyon, nakita ng mga mamamayan ang bagong kaisipan at bagong estilo ng administrasyon.
Ang kasalukuyang paghalili ng lideratong Tsino ay nangangahulugan ding sapul nang isagawa ng reporma at pagbubukas sa labas, matatag na nakahakbang ang Partido Komunista ng Tsina sa aspekto ng paghanap at pagpapabuti ng mekanismo ng paghalili ng kapangyarihan ng mga lider ng partido at bansa.
Ipinahayag naman ni Xiao Shengfeng, Kagawad ng CPPCC at Opisyal ng Lunsod ng Dalian, na sa kasalukuyan, nahaharap pa rin ang Tsina sa masalimuot na kapaligirang panloob at panlabas, at napakarami ng mga hamong kailangang harapin ng bagong liderato. Pero may malinaw at malalim na kaalaman ang kasalukuyang liderato sa mga umiiral na kakulangan sa proseso ng administrasyon, kaya makakaya nilang mamuno sa mga mamamayang Tsino para maisakatuparan ang target ng pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |