|
||||||||
|
||
Nag-usap kahapon sa Moscow sina dumadalaw na Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya. Nagkaroon sila ng komong palagay hinggil sa pagpapalakas ng komprehensibo at estratehikong kooperasyon ng dalawang bansa.
Binigyang-diin ni Xi na ang Tsina at Rusya ay pinaka-pangunahin at pinakamahalagang katuwang ng isa't isa, at sa harap ng kasalukuyang masalimuot na kalagayang pandaigdig at mahigpit na pandaigdig na kapaligirang pangkabuhayan, dapat ibayo pang pahigpitin ng dalawang bansa ang komprehensibo at estratehikong kooperasyon. Dagdag ni Xi, dapat palakasin ng Tsina at Rusya ang pulitikal na pagkatig sa isa't isa, palawakin ang pragmatikong kooperasyon at pahigpitin ang koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig.
Lubos na sumang-ayon si Putin sa palagay ni Xi sa relasyong Sino-Ruso. Ipinahayag niyang magkahawig ang kuro-kuro ng Rusya at Tsina sa maraming mahalagang isyu, malawak ang kanilang komong interes, at maganda ang prospek ng kanilang kooperasyon. Nakahanda aniya ang Rusya na palakasin ang estratehikong pakikipagkooperasyon sa Tsina.
Malaliman ding tinalakay ng dalawang lider ang kooperasyong Sino-Ruso. Ipinalalagay nilang angkop na ang panahon at kondisyon para sa pagsasagawa ng dalawang bansa ng malawakang kooperasyong pangkabuhayan. Dapat anilang patuloy na pabutihin ng Tsina at Rusya ang estruktura ng kanilang kalakalan, pataasin ang kalidad ng kalakalan, palawakin ang larangan ng kalakalan, at aktibong isagawa ang kooperasyon, lalung-lalo na sa enerhiya.
Pagkatapos ng pag-uusap, nilagdaan nina Xi at Putin ang magkasanib na pahayag ng dalawang bansa hinggil sa pagpapalalim ng kanilang komprehensibo, estratehiko at kooperatibong partnership, at sinaksihan nila ang paglalagda sa mga kasunduan sa pagitan ng mga pamahalaan at mga bahay-kalakal ng dalawang bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |