|
||||||||
|
||
IKA-DALAWAMPU'T SIYAM NA TAUNANG BALIKATAN EXERCISES SINIMULAN KANINA
BALIKATAN 2013 NAGSIMULA NA. Magsasanay na muli ang mga kawal ng Estados Unidos at Pilipinas sa ika-29 na Balikatan Exercises. Nasa larawan (mula kaliwa) sina Major General Virgilio Domingo, Philippine Balikatan Exercise Director, AFP Chief of Staff General Emmanuel Bautista, US Ambassador to the Philippines Harry K. Thomas, Jr., Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario, Defense Secretary Voltaire Gazmin at BGeneral Richard Simcock II, US Balikatan Exercise Director. (Kuha ng Embahada ng Estados Unidos)
NAGSIMULA na ang taunang Balikatan Exercises sa pag-itan ng Pilipinas at Estados Unidos sa pamamagitan ng seremonyang naganap sa Armed Forces of the Philippines' Command Officers Clubhouse sa Kampo Aguinaldo.
Ayon kay Kalihim Albert F. del Rosario, ang Balikatan exercises ang malakas at buhay na simbolo ng matagal ng security relationship sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos sapagkat ito ang nagbibigay-buhay at kahulugan sa mga obligasyon bilang treaty partners.
Sa kanyang talumpati, sinabi niya na ang Balikatan ang sumusuporta sa pagpapayabong ng kakayahang magtanggol ng kanyang sarili ng Pilipinas at sa pagpapabilis ng tinaguriang inter-operability ng mga kawal ng dalawang bansa. Nakatuon din ang Balikatan 2013 sa humanitarian assistance at disaster response.
Napapanahon din ang pagdaraos ng Balikatan exercises sa pagdiriwang ng Pilipinas ng Araw ng Kagitingan sa ika-siyam ng Abril. Idinagdag pa ni Kalihim del Rosario na gugunitain ang 'di pangkaraniwang tapang at lakas ng loob ng mga kawal Pilipino at Americano sa pakikipaglaban sa mga Hapon, sa pagbubuwis ng buhay para sa demokrasya.
Sa nakalipas na tatlong buwan, dumalaw ang top-ranking American congressional leaders sa Pilipinas at dumalaw din ang mga Pilipinong opisyal sa Estados Unidos at pinag-usapan ang mga isyung may kinalaman sa seguridad.
Ibinalita rin ni G. del Rosario na naglaan na rin ng kaukulang salapi ang Pilipinas upang mapalakas ang kakayahang makapagtanggol ng sarili. Noong nakalipas na taon, nilagdaan ni Pangulong Aquino ang P 75 bilyong panustos sa limang taong pagmamatupad ng modernization program. Sa nakalipas na magtatatlong taon, nakagastos na ang Pilipinas ng P 28 bilyon na mas malaki sa P 33 bilyong nagasta sa loob ng 15 taon bago nanungkulan si Pangulong Aquino.
KALIHIM GAZMIN NG TANGGULANG PAMBANSA: ANG BALIKATAN AY NASASAAD SA MUTUAL DEFENSE TREATY
NANINIWALA si Kalihim Voltaire Gazmin ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa na ang pinasinayaang Balikatan 2013 ay ayon sa Mutual Defense Treaty na nagsasaad ng mahalagang pangangailangan ng pinagsanib na pagsasanay sa operational objectives ng dalawang sandatahang lakas.
Binigyang-diin ng kalihim ang pangangailangang magsanay para sa inter-operability at proficiency upang makapaghanda sa anumang pangangailangan sa mga susunod na panahon.
Nagtitiwala umano ang dalawang bansa sa isa't isa na ang pagtutulungan ng magkabilang sandatahang lakas ang siyang magiging dahilang magtagumpay ang pagsasanay.
INFLATION, BUMABA
NAPUNA ng mga opisyal ng National Economic and Development Authority na bumagal ang inflation sa buwan ng Marso 2013 dahilan sa mas murang pabahay, tubig at kuryente na sinabayan pa ng mas mabagal na pagtaas ng presyo ng pagkain kaya't umabot lamang sa 3,2% noong nakalipas na buwan.
Ayon kay Kalihim Arsenio M. Balisacan, ang average inflation rate para unang tatlong buwan ng 2013 ay nanatili sa 3.2 percent at nasa itinalagang inflation target na 3.0 hanggang 5.0 percent.
PAGDIRIWANG NG NATIONAL CONSECRATION TO THE IMMACULATE HEART OF MARY SA IKA-WALO NG HUNYO
DAHILAN sa marubdob na debosyon ng mga Pilipino kay Birheng Maria, napagkasunduan ng mga obispong dumalo sa ika-106 na Plenary Assembly noong nakalipas na Enero 28, 2013 na magkaroon ng sabay-sabay na pagdiriwang ng National Consecration to the Immaculate Heart of Mary sa darating na Sabado, ika-walo ng Hunyo sa ganap na ika-sampu ng umaga sa lahat ng mga katedral, parokya, mga shrine at kapilya sa lahat ng Arkediyosesis, Diyosesis, mga prelature at mga apostolic vicariates.
Hinirang ni Arsobispo Jose S. Palma, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines si Bishop Guillermo Afable ng Digos bilang chairperson at kasama ang mga Episcopal Commissions on Liturgy at Social Communications and Mass Media, Ambassador Howard Dee ng Bahay Maria-Assisi Development Foundation, Fr. Yulito Ignacio at ang CBCP General Secretariat.
Kabilang sa mga iminungkahing isasagawa para sa paghahanda sa pagdiriwang ang pagdarasal ng rosaryo ng mga mag-anak, First Saturday devotion of Reparation, pagdiriwang ng sakramento ng rekosiliyasyon, pagdiriwang ng Flores de Mayo para sa mga kabataan, pagsusulong ng family consecration to the Immaculate Heart of mary at sa Solemnity of the Sacred Heart, sa Biyernes, ika-pito ng Hunyo, sa World Day of Prayer for the Sanctification of Priests.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |