Nang kapanayamin kahapon ng mamamahayag ng National Broadcasting Corporation ng Estados Unidos, sinabi ni Pangulong Barack Obama ng Amerika na walang kakayahan ang Hilagang Korea para maglunsad ng ballistic missile na may nuclear warhead.
Binigyang-diin din ni Obama na naghahanda ang Amerika para harapin ang iba't ibang pangkagipitang pangyayari. Muling idineploy din aniya ang missile defense system, para maiwasan ang miskalkulasyon. Aniya, sa darating na ilang linggo, posibleng isagawa ng Hilagang Korea ang mas maraming probokatibong aksyon, pero umaasa siyang mapipigilan ng Amerika ang kasalukuyang maigting na kalagayan. Umaasa rin siyang malulutas ng Hilagang Korea ang ilang problema sa paraang diplomatiko.
Salin: Vera