Magkahiwalay na nagpalabas kahapon ng pahayag ang Committee for the Peaceful Reunification of Korea (CPRK) at National Defense Commission ng Hilagang Korea na nagsasabing hindi sila makikipagdiyalogo sa Timog Korea at Amerika hangga't hindi itinatakwil ng naturang dalawang bansa ang ostilong patakaran sa Hilagang Korea. Sinabi ng tagapagsalita ng CRPK na kung magpapatuloy ang "aksyong ostilo laban sa Hilagang Korea" ng Timog Korea, hinding hindi mangyayari ang diyalogo ng kapuwa panig o bubuti ang relasyon ng dalawang bansa.
Anang pahayag, kung umaasa ang Amerika at Timog Korea na maidaraos ang diyalogo at talastasan, dapat agaran nilang itigil ang lahat ng mga probokatibong aksyon na nakatuon sa Hilagang Korea. Dapat din nilang igarantiyang hindi magsasagawa ng banta ng pagsasanay sa digmaang nuklear, at aalisin ang mga elemento ng digmaang nuklear na idinedeploy nila sa Timog Korea at mga rehiyon sa paligid.
Salin: Vera