|
||||||||
|
||
Sa Bandar Seri Begawan, Brunei—Ipininid dito kahapon ang ika-22 ASEAN Summit. Sa "Pahayag ng Tagapangulo" na ipinalabas pagkatapos ng pulong, nanawagan itong palakasin ang kooperasyong panrehiyon, buong sipag na isakatuparan ang konstruksyon ng ASEAN Community sa taong 2015, at mapayapang hawakan ang mga kinauukulang alitan.
2 taon na lamang ang natitira bago ang pinal na taning ng pagtatatag ng ASEAN Community. Tinalakay sa kasalukuyang summit, pangunahing na, ang natamong bunga ng konstruksyon ng naturang komunidad sa tatlong larangan, at nilinaw ang direksyon ng pag-unlad sa hinaharap.
Sa larangan ng pulitika at katiwasayan, upang mapalakas ang kakayahan sa pagharap sa mga tradisyonal at di-tradisyonal na bantang panseguridad, sa Hunyo ng taong ito, idaraos ng ASEAN, kasama ng 8 dialogue partners nito na kinabibilangan ng Tsina, Estados Unidos, Rusya, Australia, India, Timog Korea, New Zealand at Hapon ang magkakasanib na pagsasanay-militar sa makataong tulong at relief work. Bukod dito, narating ng mga lider ng ASEAN ang komong palagay sa kooperasyon sa mga larangang gaya ng paglaban sa terorismo, pagbabawal sa droga, pagbibigay-dagok sa human smuggling at iba pa.
Sa larangan ng kabuhayan naman, ipinatalastas ng ASEAN na naisakatuparan na ang 77.5% ng Economic Community Blueprint, at pawang may pagtaas ang karaniwang kita ng mga mamamayan, kabuuang halaga ng kalakalan, at tourism revenue ng iba't ibang bansa sa rehiyong ito.
Sa larangan ng lipunan at kultura naman, nilagom ng mga lider ng ASEAN ang kalagayan ng pagpapatupad ng "Social and Cultural Community Blueprint." Iniharap nilang ibayo pa nilang palalawakin ang pagpapalitan ng mga kabataan, pasasaganahin ang industriya ng palakasan, pangangalagaan ang karapatan at kapakanan ng kababaihan at bata, at isasagawa ang aktuwal na aksyon para harapin ang pagbabago ng klima at polusyon sa kapaligiran.
Inulit ng mga kalahok na lider ang kahalagahan ng pangangalaga sa katiwasayang pandagat. Ipinalalagay nilang dapat sundin ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea at 6 na prinsipyo sa isyu ng South China Sea. Hinihiling din nila sa iba't ibang panig na panatilihin ang pagtitimpi, iwasan ang pagbabantang paggamit ng dahas at lutasin ang lahat ng hidwaan sa mapayapang paraan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |