|
||||||||
|
||
Ulat Para sa Abr 30th
BUKAS ANG PILIPINAS SA FOREIGN CONTRACTORS. Handa ang Pilipinas tumanggap ng mga banyagang kontratista para sa mga proyektong nagkakahalaga ng P 1 bilyon pataas. Kailangan lamang magkaroon ng leveled playing field, dagdag ni Kalihim Rogelio Singson ng DPWH. (Kuha ni Melo Acuna)
Mga banyagang kontratista, makakalahok sa mga pagawaing-bayan mula isang bilyong piso pataas
BUKAS ang Pilipinas sa mga banyagang kontratista upang lumahok sa paggawa ng mga proyektong nagkakahalaga ng isang bilyong piso pataas. Ito ang sinabi ni Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson sa isang press briefing kaninang umaga.
Ayon kay Kalihim Singson, palaging interesado ang Korea, Tsina at Japan na tustusan ang mga proyektong ipagagawa ng pamahalaan at mayroong nagaganap na mga talakayan kung paano makakapasok ang mga banyagang kontratista ng ayon sa kasalukuyang batas.
Makabubuti ang kompetisyon, dagdag pa ni Kalihim Singson subalit nararapat maging patas ang "playing field" upang huwag namang maargabyado ang mga kontratistang Pilipino. Mayroon umanong mga kontratistang banyaga na pumapasok sa Pilipinas na dala halos lahat pati pagkain ng kanilang mga kawani kaya walang pakinabang ang ekonomiya ng bansa. Tinagurian niyang "progressive liberalization", higit na sisigla ang kompetisyon sa pagitan ng mga kontratista.
Isa sa mga alituntunin ng Pilipinas ay ang pagkakaroon ng "structural warranty" na tatagal ng 15 taon. Makabubuti ito upang makatiyak na matibay ang mga pagawaing bayang itatayo ng mga banyaga at mga Pilipinong kontratista.
Bagama't hindi niya idinetalye, sinabi ni Kalihim Singson na aktibo ang mga Tsinong kontratista at lumalahok sa mga subasta at maraming proyekto na ang nakamtan ng mga kontratistang Tsino.
Malalaking proyektong gagawin sa Metro Manila, inihayag
Magiging mahigpit ang daloy ng mga sasakyan sa ilang bahagi ng Kalakhang Maynila sa pagsisimula ng malalaking mga proyektong naglalayong mapaluwag ang lansangan.
Ayon kay Kalihim Rogelio Singson, hindi magtatagal ay pasisimulan na ang EDSA – Taft Avenue flyover na magmumula sa may Malibay hanggang sa may tapat ng Heritage Hotel sa may panulukan ng Roxas Blvd. Ang fly-over na ito ay daraan sa itaas na bahagi ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT). Matatapos ang proyekto bago idaos ang Asia Pacific Economic Conference (APEC) sa Maynila sa darating na 2015.
Ipinaliwanag pa ni Kalihim Singson na tuloy ang paggawa ng mga elevated skyway na kadugtong ng NAIA Expressway II na siyang koneksyon mula sa Skyway patungo sa NAIA Terminal III. Gagawin pa ang skyway mula sa Buendia hanggang Quirino Avenue na magsasanga patungong Port Area at North Luzon Expressway na daraan sa San Juan patungong Andres Bonifacio hanggang sa makarating sa Balintawak sa Lungsod ng Quezon. Mayroon ding gagawing koneksyon mula Letre hanggang North Luzon Expressway at ginagawa na ang segments 9 at 10.
Sinimulan na ang España Blvd. – Arsenio Lacson Avenue underpass. Ipinaliwanag ni Kalihim Singson na unang binalak nila ang pagkakaroon ng fly-over subalit pinalitan ito at ginawang underpass.
Isang underpass ang gagawin sa Buendia Avenue mula sa Paseo de Roxas hanggang Makati Avenue. Malaking tipid sa oras ang pagkakaroon ng underpass, dagdag pa ng kalihim. Samantala, isang tulay ang gagawin mula sa Global City sa Taguig at Makati cities patungong Julia Vargas sa Pasig City.
Karamihan ng pondong ginagasta sa mga proyekto ay mula sa General Appropriations Act. Kakaunti ang mula sa Overseas Development Assistance at malaking bahagi naman ang mula sa Public – Private Partnership (PPP).
Ani Kalihim Singson, lumalaki ang kanilang budget ng may 30% sa bawat taon. Mula sa P 125 bilyon noong 2012 umabot ito sa P 169 bilyon at lalaki pa sa P 189 B sa 2014. Layunin nilang gumastos pa sa mga pagawaing bayan sa lahat ng ahensya ng pamahalaan upang matamo ang 5% ng Gross Domestic Product (GDP).
PILIPINAS, BIBILI NG BIGAS SA VIETNAM. Sinabi ni National Food Authority (NFA) Administrator Orlan Calayag na ang bibilhing bigas ng bansa ay pagdagdag sa buffer stock bahagi ng paghahanda para sa anumang kalamidad. (Contributed Photo)
Pamahalaan ng Pilipinas, nakipagkasundo sa Vietnam para sa 187,000 metriko toneladang bigas
AANGKAT ang Pilipinas ng 187,000 metriko toneladang bigas mula sa Vietnam saklaw ng isang kasunduan ng dalawang bansa.
Ayon kay National Food Authority (NFA) Administrator Orlan A. Calayag, magmumula ang bigas sa Southern Food Corporation.
Partikular na klase ng bigas ang 10% long grain white rice na mayroong 25% brokens. Ang bigas na ito'y magiging buffer stock para sa mga buwan ng Hulyo hanggang Setyembre. Ito rin ang nakalaan kung magkakaroon ng mga kalamidad.
Ang mga bansang nasa ASEAN na mayroong Memorandum of Agreement para sa pagbibili ng bigas sa Pilipinas ay inanyayahang magsumite ng kanilang alok at presyo subalit ang Thailand at Vietnam lamang ang lumahok sa tender noong ikatlong araw ng Abril.
Nag-alok ang Thailand sa pamamagitan ng kanilang Department of Foreign Trade ng US $ 568/MT na may minimum offered volume na 100,000 MT hanggang 187,000 MT. Ang Vietnam sa pamamagitan ng Southern Food Corporation ay may halagang US $ 459.75/MT para sa maximum volume. Mas mababa ang alok ng Vietnam ng may US $ 108.25/MT at mas mababa sa inangkat ng Pilipinas noong 2012 na umabot sa US $ 470.70 sa bawat metriko tonelada.
KUNG WALANG ITINATAGO ANG COMELEC, HAYAANG MAGKAROON NG PARALLEL MANUAL COUNT. Ito ang paninindigan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick S. Pabillo sa idinaos na CMN Forum kanina. Duda siyang lalabag na naman sa batas ang Commission on Elections ngayong darating na ika-13 ng Mayo 2013.
Obispo, duda sa kalakaran ng halalan sa susunod na buwan
NABABAHALA si Manila Auxiliary Bishop Broderick S. Pabillo sa kahihinatnan ng halalan sa Lunes, ika-13 ng Mayo. Inamin na ni COMELEC Chairman Sixto Brillantes na hindi magkakaroon ng source code review ngayong taon. Kung magpapatuloy ito, lalabag ito sa automated election law na nagsasaad na ang review ng source code ay nararapat gawin ng interested parties.
Ang rason umanong walang ginawang review noong 2010 ay maaari ding maging rason ngayon ay labag sa batas. Nararapat sundin ang itinatadhana ng batas. Nararapat ding panagutin ang Comelec sa ilalim ni Chairman Jose Melo para sa nakalipas na halalan noong 2010.
Idinagdag pa ni Bishop Pabillo na lumalabas na itutuloy ng Brillantes Commission ang mga pagabag sa batas tulad ng ginawa noong 2010. Kung hindi ito pipigilin ngayon, higit na titibay ang kanyang tinaguriang "electronic cheating" at tuwirang papanaw ang demokrasya sa bansa.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na siyang Chairman ng National Secretariat of Social Action Justice and Peace ang apat na paglabag. Ito ay ang kawalan ng digital signature. Kahit pa manual o electronic ang election returns ay nararapat lagdaan ng Comelec official upang patotohanan ang nilalaman nito. Ang unofficial election counts ay walang bisa.
Wala umanong built-in ultra violet scanner. Kung wala ito tulad ng sinasabi ng batas, walang paraan upang mabatid kung ang balotang ginagamit ay opisyal o hindi. Ang PCOS machines ay tatanggap ng official at unofficial ballots sa halalan, dagdag pa ng obispo.
Wala rin umanong voter verification. Hindi umano sapat ang "Congratulations you have just voted!" na lumabas sa screen. Ang bawat botante ay nararapat magkaroon ng karapatang mabatid kung ang kanyang mga ibinoto ang siyang binilang ng makina.
Nararapat ding magkaroon ng source code review baga maganap ang halalan.
Nanawagan si Bishop Pabillo na nararapat magkaroon ng kasabay na manual count sa lahat ng presinto. Kung walang itinatago ang Commission on Elections, hinahamon niya ang Comelec na magsagawa ng manual count.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |