|
||||||||
|
||
Bumatikos kamakailan si Cui Tiankai, Embahador ng Tsina sa Estados Unidos, sa pananalita ni Chuck Hagel, Kalihim ng Depensa ng E.U. hinggil sa isyu ng Diaoyu Islands. Kaugnay nito, ipinahayag kahapon ng Kagawaran ng Estado ng Estados Unidos, na ang pananalita ng panig Amerikano hinggil sa pag-iwas sa pagsasagawa ng aksyong maaring humantong sa maigting na kalagayan ay para sa kapuwa panig Tsino at Hapones, at walang paninindigan ang Amerika sa pinal na soberanya ng Diaoyu Islands.
Samantala, sa magkasanib na preskon kamakalawa kasama ang Ministro ng Depensa ng Hapon, sinabi ni Hagel na tinututulan ng E.U. ang anumang unilateral o sapilitang aksyong nagtatangkang sumabotahe sa naturang administrasyon ng Hapon. Aniya, ang isang mensahe hinggil dito ay ipinaabot sa panig Tsino ni Martin Dempsey, Tagapangulo ng U.S. Joint Chiefs of Staff, sa kanyang pagdalaw kamakailan sa Beijing. Kaungay nito, sinabi kamakalawa ni Cui Tiankai na taliwas sa katotohanan ang pananalita ni Hagel hinggil sa pagdalaw ni Dempsey sa Tsina. Sa katunayan, malinaw na inilahad ng panig Tsino ang paninindigan at kuru-kuro nito sa isyu ng Diaoyu Islands, at nalaman ng panig Amerikano ang tunay na kalagayan.
Binigyang-diin ni Patrick Ventrell, umaaaktong Pangalawang Tagapagsalita ng Kagawaran ng Estado ng Estados Unidos, na umaasa ang panig Amerikano na maiiwasan ng kapuwa panig ang pagsasagawa ng mga aksyong posibleng humantong sa maigting na kalagayan o maling konklusyon. Aniya, walang paninindigan ang kanyang bansa sa pinal na soberanya ng Diaoyu Islands. nanawagan siya sa iba't ibang may kinalamang panig na lutasin ang kanilang pagkakaiba sa pamamagitan ng mapayapang paraan. Ito ang pangmatagalan at di-magbabagong patakaran ng Amerika.
Salin: Vera
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |