Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pagiging handa ng Pamahalaan sa Halalan, malaking bagay; Isyu ng mangingisdang Taiwanese, niliwanag

(GMT+08:00) 2013-05-13 18:47:08       CRI

SINABI ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na ang pagiging pro-active ng mga kawal at pulis ay malaking tulong sa pagkakaroon ng maayos na halalan. Nakausap na rin niya ang Northern Luzon Command chief na si Lt. General Anthony Alcantara at kahapon nama'y si Director General Alan Purisima ng Philippine National Police na kanyang inatasang pagbalik-aralan ang lahat ng paghahanda upang matiyak ang payapang halalan.

Nagkaroon din ng kawalan ng kuryente sa Batangas at ayon kay Pangulong Aquino, makakabalik ito sa loob ng isa o isa't kalahating oras matapos masira ang isang transformer. May kaseguruhan umano si Kalihim Jericho Petilla na magkakaroon ng sapat na kuryente para sa mga PCOS machines.

Ito ang kanyang pahayag matapos bumoto sa kanyang presinto sa Tarlac.

Samantala, binanggit din niyang may pulong kaninang ikalawa ng hapon upang pag-usapan ang mga nagaganap sa iba't ibang bahagi ng bansa tulad ng isyu hinggil sa pagkasawi ng isang mangingisdang Taiwanese matapos umanong paputukan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard.

Na sa Maynila na ang pinaka-kapitan ng sasakyang dagat ng Coast Guard at sasailalim sa pagsisiyasat. Pagbabalik-aralan kung tama ang naging proseso sa operasyon ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Nagkakausap na umano ang mga kinatawan ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ng Philipinas sa kanilang counterparts mula sa Taiwan.

Bilang reaksyon sa balitang nagbigay ng 72 oras na palugit ang Taiwan sa Pilipinas upang humingi ng kapatawaran at magbayad sa pamilya ng nasawi, sinabi ni Pangulong Aquino na taliwas ang impormasyong ito sa balita na Manila Economic and Cultural Office. Tumanggi siyang magpahayag sa impormasyon sapagkat baka lalo pang lumala ang situasyon. Mas makabubuti umano sa magkabilang panig na manatiling kalmado samantalang nag-uusap.

Mayroong komunikasyon sa pag-itan ng Taiwan Economic and Cultural Office at MECO na siyang kumakatawan sa PIlipinas. Ang nagbabantay sa mga nagaganap ay ang Kalihim ng Ugnayang Panglabas, si Kalihim Albert F. Del Rosario bagama't ang lead person ay ang nagangasiwa sa MECO dahilan sa "One China Policy."

Mga Obispo ng Pilipinas, nagmamasid sa Halalan 2013

MGA MAYKAPANSANAN, BUMOTO RIN.  Magkakasunod, sakay ng kanilang wheelchairs ang mga naninirahan sa Tahanang walang Hagdanan sa Cainta, Rizal samantalang patungo sa Cluter 45 sa Marick Elementary School sa Barangay San Isidro, Cainta, Rizal.  (Larawan ni Jhun Dantes)

NAGBABANTAY ang mga Obispo ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas sa nagaganap na halalan ngayon.

Ibinalita ni Bishop Guillermo Afable ng Diocese of Digos na laganap ang bilihan ng boto sa mga bayang mainitan ang labanan ng mga politiko. Ganito rin ang situasyon sa Lalawigan ng Davao del Sur. Mayroon ding nabalitang problema sa Precint Count Optical Scan machines at nabawasan na ang pagkataranta ng mga botante sa kanilang pagkaka-alam ng sistema ng automated election system.

Samantala, ibinalita ni Marbel, South Cotabato Bishop Dinualdo Gutierrez na payapa ang nagaganap na halalan at maraming mga botante ang lumahok sa halalan ngayon.

Sa Bukidnon, ibinalita ni Bishop Jose Cabantan, na hanggang kaninang alas tres kuwarenta ng hapon ay 80% na ng mga botante ang nakaboto. Nagkaroon din ng ilang problema sa PCOS subalit nalutas ito sa pamamagitan ng pag-aayos at papapalit ng makina. May ilang mga botanteng nabura sa listahan at naging dahilan ng mahabang pila sa labas ng mga presinto. Walang anumang kaguluhan bagama't naganap ang bilihan ng boto kabagi.


MGA MAYKAPANSANAN, NAGHIHINTAY BUMOTO.  Sakay ng kanilang wheelchair, ang mga maykapansanan ay tahimik na naghihintay ng kanilang pagkakataong makaboto.  Kada-ikatlong taon bumuboto ang lahat ng mga Pilipino 18 taong-gulang pataas. (Larawan ni Jhun Dantes)  

Sa Kalinga-Apayao, ibinalita naman ni Bishop Prudencio Andaya na bagama't payapa ang halalan, talamak naman ang pamimili ng boto.

Sinabi ni Jaro Auxiliary Bishop Gerardo Alminaza na tinitipon pa nila ang mga ulat sa buong arkediyosesis.

Sa Batanes, ibinalita naman ni Bishop Camilo Gregorio na maayos ang halalan sa kanyang nasasakupan. Naging magabal ang pagboto ng mga mamayan na naging dahilan ng mahabang pila sa mga paaralan. Walang anumang "direct vote-buying activities" bagama't iba't ibang paraan ang ginawa ng mga kandidato magwagi lamang ng suporta ng mga mamamayan.

Ibinalita naman ni San Fernando, Pampanga Auxiliary Bishop Pablo Virgilio David na isang botante ang negreklamo sa pagkakaroon ng pre-shading ng mga kandidato sa gobernador pababa hanggang sa konsehal ng Guagua, Pampanga,

Tumawag si Bishop David sa CBCPOnline Radio at nagsabing naganap ang insidente sa Voting Center 0169-A sa Betis, Guagua, Pampanga. "Pre-shaded" na umano ang buong ticket ni Governor Lilia Pineda hanggang sa punong-bayan ng Guagua.

Pinakuhaan na niya ng sinumpaang salaysay ang nagreklamong babae at dinala na niya sa Commission on Elections ang reklamo.

Pinabulaanan naman ni Lipa, Batangas Archbishop Ramon V. Arguelles ang balitang pinakakalat ng mga nagpapakilalang kasapi ng PPCRV na 95% ng mga PCOS machines ang 'di nagagamit. Kung mayroon man, sabi ni Arsobispo Arguelles, hindi ito aabot sa 95%. Wala umano silang kinalaman sa mga nagpapakilalang PPCRV volunteer sapagkat sila'y hindi mga Katoliko.

Nagagalit na ang mga taga-Comelec sa Batangas dahilan sa maling balitang kinakalat ng mga nagpapakilalang volunteer.

Sa Diocese ng Calbayog sa Western Samar, sinabi ni Bishop Isabelo Abarquez na mapayapa ang idinaraos na halalan sa kanyang nasasakupan. Sa mga presintong kanyang dinalaw ngayong maghapon, tinatayang may 90% ng mga botante ang bumoto. Bagama't may balita ng mga pamimili ng boto, wala namang tuwirang ebidensyang nakukuha ang mga autoridad. Wala umanong acts of terrorism and coercion, dagdag pa ni Bishop Abarquez.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>