|
||||||||
|
||
NANGUNGUNA ang Independent senatorial candidate na si Grace Poe sa pagkakaroon ng 14,613,651, pangalaw si Loren Legarda ng Nationalist People's Coalition na mayroong 13,372,983, pangatlo naman si Nacionalista Party senatorial aspirant Alan Peter Cayetano-12,647,376, pang-apat si Independent senatorial candidate Chiz Escudero-12,639,129, pang-lima si Nancy Binay ng United Nationalist Alliance-11,925,426, pang-anim naman si Edgardo Angara ng Liberal Democratic Party-11,078,239, pang-pito si Liberal Party candidate Benigno Aquino-11,078,239, pang-walo naman si Koko Pimentel ng Partido Demokratiko Pilipino-10,595,909, pang-siyam naman si Antonio Trillanes IV ng Nacionalista Party-10,178,022, pang-sampu si Cynthia Villar ng Nacionalista Party-9,918,993, panglabing-isa si JV Ejercito ng United Nationalist Alliance-9,843,877, panglabing-dalawa naman si Gringo Honasan ng United Nationalist Alliance-9,498,613.
Nasa ika-13 puesto si Dick Gordon ng United Nationalist Alliance-9,070,166, pang-14 si Migz Zubiri ng United Nationalist Alliance-8,492,277. Ika-15 naman si Jack Enrile ng Nationalist People's Coalition na mayroong 8,213,435.
Ika-16 si Ramon Magsaysay, Jr. ng Liberal Party, ika-17 naman si Risa Hontiveros ng Akbayan at na sa ika-18 puesto si Ed Hagedorn.
Ito ang lumabas sa partial, unofficial results ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting hanggang kaninang ika-2:41 ng hapon na nagmula sa 53,607 clustered precincts na mula namana sa total na 78,166 clustered precincts sa buong bansa.
Matiwasay at maayos ang halalan kahapon
ANG naganap na halalan kahapon ay maitutuing na tagumpay sa pagdagsa ng mga Pilipino sa mga botohan upang pumili ng mga maglilingkod sa bayan. Sa pahayag ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, masigasig na ginampanan ng mga mamamayan ang kanilang papel sa lipunan.
Matiwasay at maayos ang halalang naganap kahapon, dagdag pa ni Kalihim Lacierda. Nagpasalamat siya sa mga kasamang ahensya ng Commission on Elections sa maayos na pagdaraos ng halalan tulad ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at mga iba pang kaibigang ahensya.
Lumalabas na referendum ang naganap na eleksyon kahapon sapagkat nasa kalahatian na ang kanyang paglilingkod bilang Pangulo ng Pilipinas ni Pangulong Beningo Simeon C. Aquino III. Ito raw ang batayan kung maipagpapatuloy pa ng susunod na pamahalaan ang nasimulan noong 2010.
Ayon kay Kalihim Lacierda, tungkulin ng bawat isa na igalang ang pasya ng mas nakararami at pangalawa naman ay ang pagsaksi sa pagpapalit ng liderato sa 2016 at ang pangatlo ay ang paglalakbay tungo sa daang matuwid.
Nagpasalamat din siya sa mga mamamayan sa ipinamalas na suporta sa layunin ni Pangulong Aquino na magkaroon ng malawakan at matatag na pagbabago.
Tagumpay ang halalan, sabi ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas
MATAGUMPAY ang naganap na halalan kahapon maliban sa ilang isolated cases. Ito ang pagsusuri at pananaw ni Brig. General Domingo J. Tutaan, ang Chief ng Public Information Office ng Armed Forces of the Philippines.
Hindi umano nakagambala ang mga pangyayaring ito sa malawakang paglahok sa halalan ng mga mamamayan. Nananatili silang mapagbantay hanggang sa matapos ang lahat ng bilangan sa halalan ngayo g 2013.
Idinagdag pa ni General Tutaan na sa pagkakapayapa at matagumpay na halalan, makikita ang mithiin ng mga mamamayang makapaghalal ng sariling mga lider.
Nabunyag umano ang balak ng mga kabilang sa New People's Army na lumabag sa batas sa pamamagitan ng pangingikil sa mga kandidato subalit walang gasinong epekto ito sa pangkalahatang larawan, dagdag pa ni General Tutaan.
Ibayong hinahon, kailangan sa pag-uusap ng Taiwan at Pilipinas
NANINIWALA si Kalihim Edwin Lacierda na ibayong hinahon ang kailangan sa pag-uusap ng Taiwan at Pilipinas upang huwag nang madagdagan pa ang init na idinulot ng insidente noong nakalipas na linggo.
Sa isang press briefing na isinagawa sa Malacanang kanina, sinabi ng tagapagsalita ni Pangulong Aquino na hindi naman nalilimutan ang mga obligasyon at ang halalan ay napakahalaga para sa lahat sapagkat nakasalalay dito ang kinabukasan ng bansa sa susunod na tatlong taon. Hindi naman ito nangangahulugang nalilimutan na ang naganap noong ika-walo ng Mayo.
Mas makabubuting huwag na munang magpahayag ng anumang saloobin sa isyu, dagdag pa ni Atty. Lacierda. Kung sa kasagutan na diumano'y banta ng Taiwan, mayroong kaukulang sagot na idaraan sa ibang channel sa halip na sa mga mamamahayag.
May kautusan na si Pangulong Aquino tungkol sa pagsisiyasat na gagawin. Ihahayag ito sa takdang panahon.
Idinagdag pa ni Atty. Lacierda na pinahahalagahan ng Pilipinas ang people-to-people exchange sa Taiwan na saklaw ng Kultura at Kasaysayan.
Ayon kay Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz, humigit kumulang sa 85,000 ang mga manggagawang Pilipinong nasa Taiwan. May 72% sa mga ito ang nasa mga pabrika, 26% ang mga kasambahay at 2% sa kanila ay mga mangingisda.
Hamon sa mga nagwagi: pag-aralan ang pag-aalis ng "pork barrel"
MAY panawagan si Arsobispo Oscar V. Cruz sa mga nagwagi na pagbalik-aralan ang isyu ng "pork barrel" sapagkat lumalabas na isang malaking negosyo ang public service. Ito rin ang dahilan kaya't nagpapalipat-lipat na lamang ang mga magkakasama sa iisang pamilya sa iba't ibang posisyon.
Kung wala umanong "pork barrel", malamang na wala ng kakandidato, dagdag pa ni Arsobispo Cruz sa palatuntunang "Agenda 2013" sa CBCP Online Radio.
Sapagkat malaki ang gastos ng mga kumakandidato, babawiin at babawiin ito sa pamamagitan ng mga kontrata. Kahit umano sa Kongreso, madaling maipapasa ang anumang panukalang batas na nanaisin ng liderato.
Malaki umanong obligasyon ang nasa balikat ng mga mambabatas ngayon upang madaliang magkaroon ng pagbabago. Binanggit din ni Arsobispo Cruz na hindi malayong magkakaroon ng pagbabago sa Saligang Batas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |