|
||||||||
|
||
Alas-12 kagabi ang 72-oras na taning ng diplomatic note ng awtoridad ng Taiwan sa pamahalaang Pilipino hinggil sa insidente ng pamamaril ng Coast Guard ng Pilipinas sa bapor-pangisda ng Taiwan. Pagkaraan ng ilang oras na pribadong pagtalakay sa pagitan ng kinatawan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taipei at mga kinauukulang departamento ng awtoridad ng Taiwan, idinaos kaninang madaling araw ng kapuwa panig ang magkasanib na preskon.
Ipinahayag ng namamahalang tauhan ng kinauukulang departamento ng Taiwan na pagkatapos ng paulit-ulit na pagtalakay at pagsususog sa liham ng panig Pilipino, nagpahayag na ang Pilipinas ng malaking kalungkutan at humingi ng paumanhin sa nabanggit na insidente, at gumawa ng positibong reaksyon sa karamihan sa 4 na kahilingang iniharap ng panig Taywanes. Pero, ang ilang detalye, lalung lalo na, mga detalye sa aspekto ng kompensasyon ay nangangailangan pa rin ng ibayo pang pagtalakay ng magkabilang panig.
Sinabi niyang darating sa Taipei mamayang hapon si Amadeo Perez, Tagapangulo ng MECO, at bibisita siya sa pamilya ng nasawing Taywanes para magpahayag ng pakikiramay, humingi ng paumanhin, at magkaloob ng consolation money. Dagdag pa niya, ipinangako ng panig Pilipino na magsasagawa ito ng magkasanib na imbestigasyon sa insidenteng ito, at pupunta bukas sa Pilipinas ang grupong tagapagsiyasat ng Taiwan.
Ayon pa sa naturang namamahalang tauhan, umaasa ang awtoridad ng Taiwan na agarang magkakaloob ang pamahalaang Pilipino ng kompensasyon, at igagarantiyang hindi na muling magaganap ang ganitong pangyayari. Aniya, tuluy-tuloy na palalakasin ng Taiwan ang pangangalaga sa mga aktibidad ng pangingisda sa mga kinauukulang karagatan.
Isinalaysay naman ng namamahalang tauhan ng MECO sa Taipei ang proseso ng paghawak ng pamahalaang Pilipino sa nasabing insidente, pero hindi siya yumukod sa isyu ng kompesasyon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |