|
||||||||
|
||
IPINAABOT ni Chairman Amadeo R. Perez, Jr., pinuno ng Manila Economic and Cultural Office (MECO), bilang personal na kinatawan ni Pangulong Aquino, ang ibayong kalungkutan at paghingi ng paumanhin sa hindi inaasahang pagkasawi ng isang mangingisda sa pagpapatupad ng batas sa pangingisda noong nakalipas na Hwebes, ika-siyam ng Mayo na kinasangkutan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nagpapatrolya sa hilagang bahagi ng bansa.
Sa kanyang exit statement, sinabi ni Ginoong Perez na handa ang Pilipinas na magpaabot ng financial assistance bilang pagpapakita ng pakikiramay ng mga mamamayang Pilipino sa pagkasawi ni Ginoong Hung.
Sa kautusan ni Pangulong Aquino, nagsimula ng magsagawa ng malawakan, walang pinapanigan at madaliang pagsisiyasat ang National Bureau of Investigation sa insidente. Ito ang nangungunang prayoridad ng NBI.
Nagpasalamat din si Ginoong Perez sa pakikipag-usap niya kay Director-General Benjamin Ho ng Ministry of Foreign Affairs kagabi. Nauunawaan umano ng bansa at ng pamahalaan ang kalungkutan at sama ng loob ng pamilya at ng mga taga-Taiwan sa nakalulungkot na pangyayari. Ipinarating din niya ang matibay na pagkilala at paggalang ng mga Pilipino sa mga Taiwanes, dagdag pa ni G. Perez.
Pangalawang Pangulong Binay, nanawagan sa Taiwan
NAKIUSAP si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa pamahalaan ng Taiwan na alisin na ang pagbabawal sa pagkuha ng mga manggagawang mula sa Pilipinas sapagkat nararapat lamang silang hindi madamay sa tensyong nananaig sa pag-itan ng dalawang bansa.
Nabahala si Pangalawang Pangulong Binay sa mga balitang may nagaganap na harassment at discrimination laban sa mga Pilipinong nasa Taiwan.
"Nananawagan ako sa pamahalaan ng Taiwan na huwag nang idamay ang mga Pilipinong manggagawa na naghahanapbuhay para sa kanilang mga pamilyang nasa Pilipinas," ang pahayag ni Ginoong Binay. Maayos naman ang pagkakaibigan ng mga Taiwanes at mga Pilipino bago naganap ang insidente noong nakalipas na linggo.
Bagaman, tiniyak ng Kagawaran ng Paggawa at Hanapbuhay ang kaukulang mga palatuntunan upang maibsan ang idudulot na epekto ng freeze-hire policy.
Naunang sinabi ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Kagawaran ng Paggagawa pinag-aaralan nila ang posibleng paglilipat ng mga manggagawang mula Taiwan patungong Timog Korea at mga bansang nasa Gitnang Silangan kung sakaling maging kakaiba ang ipatutupad na alituntunin ng Taiwan sa mga susunod na araw.
Nanawagan din si Pangalawang Pangulong Binay sa mga Pilipino na ipagdasal ang mga manggagawang Pilipino na nasa Taiwan.
Mga Taiwanes na imbestigador, dumating
MAY 17 kataong Taiwanes na sinasabing mga imbestigator ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 kaninang mga ika-sampu at kalahati ng umaga. Dumating ang lupon upang magsiyasat sa naganap na pamamaril ng tauhan ng Philippine Coast Guard sa isang mangingisdang Taiwanes.
Ang lupon ng mga magsisiyasat mula sa Taiwan ay binubuo ng mga tag-usig, mga manananggol, imbestigador, tanod baybayin o coast guard at mula sa fisheries.
Subalit sinabi naman ni Kalihim Leila de Lima ng Kagawaran ng Katarungan na wala silang impormasyon sa mga imbestigador mula sa Taiwan na nasa bansa upang magsagawa ng kanilang pagsisiyasat sa pagkasawi ng isang mangingisdang Taiwanes noong isang linggo ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Wala umanong koordinasyon o kahilingang natanggap ang kanyang opisina. Hindi naman basta darating na lamang ang mga ito upang magsagawa ng kanilang imbestigasyon, dagdag pa ng kalihim.
Idinagdag pa niyang hindi sila sasang-ayon sa pinagsanib na imbestigasyong kasama ang mga taga-Taiwan. Ipinaliwanag niyang isang malayang bansa ang Pilipinas na may sariling batas at justice system at mayroon na ring ginagawang sariling imbestigasyon.
Tumugon na ang Philippine Coast Guard sa kahilingan ng National Bureau of Investigation. Ang mga tauhan ng PCG na nasangkot sa insidente ay confined to quarters.
Ang isinasagawa ay isang fact-finding investigation upang alamin kung may pananagutan ang mga sangkot. Nais malaman kung bakit may nasawi, dagdag pa ni Kalihim de Lima. Sa kanilang pagkakabatid, ang PCG-BFAR patrol ay nasa karagatang nasasakupan ng Pilipinas at nagpapatupad ng batas ng Pilipinas.
Proklamasyon ng lima o anim na senador, gagawin na
MATUTULOY na ang proklamasyon ng lima hanggang anim na nagwawaging mga kandidato sa pagka-senador ngayong gabi matapos ibasura ng Commission on Elections en banc na naluluklok bilang National Board of Canvassers, ang mosyon ng United Nationalist Alliance na huwag munang ituloy.
Ayon kay Chairman Sixto Brillantes, Jr. nagkaisa ang komisyon na tanggihan ang mosyon ng UNA kaya't matutuloy ang canvassing at proklamasyon.
Sinabi naman ni Atty. Claro Certeza, abogado ng UNA na magkakaroon sila ng motion for reconsideration subalit sinabi ni Ginoong Brillantes na ang mga desisyon ng en banc ay hindi na magkakaroon ng anumang reconsideration.
Ang nangungunang pito sa talaan ng National Board of Canvassers partial official tally ay sina Grace Poe, Loren Legarda, Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, Nancy Binay at Sonny Angara.
Noong 2010, naiproklama ng National Board of Canvassers ang siyam sa 12 nagwagi limang araw matapos ang halalan noong ika-sampu ng Mayo. Ang nalalabing tatlo ay naiproklama matapos ang tatlong araw.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |