|
||||||||
|
||
Ipinahayag kahapon ni Kim Hyeong Seok, Tagapagsalita ng Ministri ng Unipikasyon ng Timog Korea, na minaliit kamakalawa ng panig Hilagang Koreano ang mungkahi ng pamahalaan ng Timog Korea hinggil sa pagdaraos ng pag-uusap sa isyu ng Kaesong Industrial Region. Aniya, lubha itong ikinalulungkot ng panig Timog Koreano.
Dagdag ni Kim, mahigit 40-araw na ang nakaraan, sapul nang maputol ang pagsasaoperasyon ng Kaesong Industrial Region. Kung talagang nais tulungan ng Hilagang Korea ang mga bahay-kalakal sa loob ng industrial region, ang pinakaimportante ngayon ay pagpapabalik sa T.Korea ng mga raw materials at processed products na naiwan ng mga bahay-kalakal sa loob ng nasabing rehiyon. Dahil dito, iniharap ng kanyang pamahalaan ang mungkahi sa pagdaraos ng pag-uusap, aniya pa.
Sinabi ni Kim na ang kapinsalaan sa mga bahay-kalakal ng Timog Korea ay bunga ng di-angkop na hakbangin ng Hilagang Korea sa paghadlang ng transportasyon at pagpapaurong ng mga manggagawang Hilagang Koreano. Dapat aniyang mataimtim na ipatupad ng Hilagang Korea ang pangako sa pangangalaga sa pamumuhunan at ari-arian ng mga bahay-kalakal ng Timog Korea. Binigyang-diin din niyang, upang mapaliit hangga't makakaya ang kapinsalaan, dapat makisangkot ang Hilagang Korea sa diyalogo.
Salin: Vera
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |