|
||||||||
|
||
Iniharap kamakailan ng panig Pilipino ang protesta sa paglalayag ng isang navy vessel, dalawang maritime surveillance ship, at ilang bapor-pangisda ng Tsina sa rehiyong pandagat sa paligid ng Ren'ai Reef, Nansha Islands. Kaugnay nito, ipinahayag kahapon ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ito ay normal na paglalayag ng mga public service vessel ng Tsina sa kinauukulang karagatan.
Ang Ren'ai Reef sa dakong silangan ng Nansha Islands ay pinangangasiwaan ng Sansha City ng Lalawigang Hainan ng Tsina. 14 na nautical miles ang layo nito sa Timog Silangan ng Meiji Reef, at 150 nautical miles naman mula sa Palawan, Pilipinas. Pagpasok ng Mayo, walang tigil ang mga kilos ng Pilipinas sa isyu ng South China Sea, at kamakailan, madalas itong lumikha ng alitan sa Ren'ai Reef.
Paulit-ulit na gumawa ang Ministring Panlabas ng Tsina ng reaksyon tungkol dito, at binigyang-diin nito ang matibay na paninindigan ng panig Tsino sa isyu ng Ren'ai Reef. Sinabi ni Hong Lei na,
"Ang Ren'ai Reef ay isang bahagi ng Nansha Islands. May di-mapapabulaanang soberanya ang Tsina sa Nansha Islands at rehiyong pandagat sa paligid nito. Hindi aniya maaaring sisihin ang Tsina sa normal na paglalayag ng mga public service vessel nito sa kinauukulang karagatan. Hinimok ng panig Tsino ang mga kinauukulang bansa na komprehensibo't mataimtim na ipatupad ang Declaration on the Conduct of Parties in South China Sea, at huwag isagawa ang mga aksyong magpapalaki at magpapasalimuot ng alitan, at makakaapekto sa kapayapaan at katatagan ng South China Sea."
Ipinahayag naman ni Zhang Zhaozhong, Propesor ng National Defence University ng Tsina, na ayon sa tatlong dokumentong pambatas na gaya ng Treaty of Paris na nilagdaan ng Pilipinas at Amerika noong 1898, ang mga sinakop na batuhan at isla ng Pilipinas na kinabibilangan ng ilang rehiyong pandagat ng Nansha Islands at Huangyan Island ay nasa labas ng soberanya ng Pilipinas. Aniya, dapat pangalagaan ng panig Tsino ang soberanya at teritoryo sa paraan ng pagsasagawa ng normal na paglalayag at pagpapatupad ng batas sa mga pinagtatalunang karagatan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |