|
||||||||
|
||
Umuwi kamakalawa ng Myanmar si Pangulong Thein Sein pagkaraan ng kanyang pagdalaw sa Estados Unidos. Ipinalalagay ng mass media at mga tagapag-analisa ng Myanmar na natamo ng biyahe ni Thein Sein ang di-inaasahang magagandang bunga.
Napag-alamang may dalawang layunin ang katatapos na pagdalaw ni Thein Sein. Una, panatilihin ang tunguhin ng bumubuting relasyon ng Myanmar at Amerika. Ikalawa, ilahad sa panig Amerikano ang hinggil sa Myanmar para ganap na itigil ng Estados Unidos ang sangsyon laban sa Myanmar.
Salamat sa pagdalaw, nakaangat sa bagong antas ang relasyon ng Myanmar at Amerika. Nakalikha rin ito ng paborableng kondisyon para sa ibayo pang pagpapasulong ng bilateral na ugnayan.
Sa pagtatagpo ng dalawang pangulo ng Myanmar at Estados Unidos, ipinahayag ni Thein Sein ang kahandaan ng kanyang bansa na ituloy ang repormang pampulitika at pangkabuhayan at pasulungin ang pakikipagdiyalogo ng Pamahalaan ng Myanmar sa mga armadong etnikong grupo. Ipinagkaloob naman ni Barack Obama ang suporta ng panig Amerikano sa Myanmar sa isinasagawang reporma, transisyong demokratiko at pambansang kaunlaran.
Ipinahayag din ng panig Amerikano ang kahilingan sa Myanmar na patuloy na palayain ang mga bilanggong pulitikal, iwasan ang pakikipag-ugnayang militar sa Hilagang Korea at tumpak na hawakan ang mga isyung etniko at isyung panrelihiyon. Hinimok naman ng Myanmar ang Estados Unidos na ganap na pawalang-bisa ang sangsyon nito laban sa Myanmar at ipagkaloob ang transparent na tulong.
Kaugnay ng mga bungang pangkabuhayan at pangkalakalan, lumagda ang dalawang bansa sa Balangkas na Kasunduan hinggil sa Kalakalan at Pamumuhunan para makalikha ng plataporma para sa sustenableng diyalogo at kooperasyon. Ipinatalastas din ng Amerika ang pagbibigay-tulong sa Myanmar sa mga larangan ng pagpapalago ng agrikultura, rekonstruksyon sa lansangan sa pagitan ng Yangon at Mandalay, pagsasanay sa mga pulis at sundalo at pagkakaloob ng tulong-teknikal para sa paggagalugad ng langis at natural na gas.
Ang katatapos na biyahe ni Thein Sein ay kauna-unahang opisyal na pagbisita sa Estados Unidos ng isang puno ng estado ng Myanmar nitong 47 taong nakalipas. May mahalagang katuturan ito sa normalisasyon ng relasyon ng dalawang bansa. Sa kabila ng kanilang nagkakaibang pangangailangan, ang pagpapabuti ng bilateral na relasyon ay isang pangangailangan para sa pagsasakatuparan ng kanila-kanilang estratehikong interes.
Salin: Jade
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |