LUMAGDA na sa isang peace agreement ang Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front sa Matalam, North Cotabato kasunod ng serye ng mga sagupaan noong unang linggo ng Mayo. Mayroong higit sa 7,000 katao ang nagsilikas.
Ayon kay Colonel Dickson Hermoso, tagapagsalita ng 6th Division ng Philippine Army sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, nagkasundo ang magkabilang-panig na tumigil na sa pakikipaglaban sa isa't isa.
Makakabalik na rin sa kanilang mga tahanan ang sibilyan sa pinakamadaling panahon.
Ayon pa rin kay Hermoso na nagmula ang sagupaan noong ika-lima ng Mayo sa pagitan ng dalawang grupo. Pinagbawalan umano ng mga MNLF na pumasok sa isang barangay ang MILF na magsasagawa ng palatuntunan tungkol sa Bangsamoro Framework.