|
||||||||
|
||
Apat (4) na babaeng mambabatas ng Timog Korea ang nagsadya ngayong araw sa Hapon bilang protesta sa pananalita ni Toru Hashimoto, Alkalde ng Osaka, na legal di-umano ang sistema ng "comfort women" noong panahon ng Ikalawang Digmaan Pandaigdig (WWII).
Sa kanilang tatlong araw na pananatili, binabalak ng apat (4) na mambabatas, na makipagtagpo sa mga mambabatas at mga organisasyong di-pampamahalaan ng Hapon, para iabot ang liham na pamprotesta at himukin ang panig Hapones na itigil ang pagpapahayag ng ganitong pananalita sa hinaharap.
Matatandaang ang nasabing mga mambabatas ng Timog Korea ay nakapagsumite na ng proposal sa Parliamento ng kanilang bansa bilang kondemnasyon kay Hashimoto. Sa proposal, hinimok din nila ang Pamahalaang Hapones na opisyal na humingi ng paumanhin at magkaloob ng kompensasyon sa mga naging "comfort women."
Napag-alamang pagkaraan ng kanilang biyahe sa Hapon, pupunta sa Pilipinas ang apat na mambabatas ng Timog Korea para makipagtagpo naman sa mga biktimang comfort women ng Pilipinas at makipagtalakayan sa mga mambababatas na Pilipino kung paano matutugunan ang nasabing isyu.
Salin: Jade
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |