Sa isang regular na preskong idinaos ngayong araw sa Beijing, ipinatalastas ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina, na mula bukas hanggang ika-6 ng susunod na buwan, dadalaw si Wu Sike, Special Envoy ng Tsina sa isyu ng Gitnang Silangan, sa Jordan, Ehipto, at punong himpilan ng League of Arab States (LAS). Ang biyaheng ito ani Hong ay naglalayong magkaroon ng pagpapalitan ng palagay sa iba't-ibang may kinalamang panig sa prosesong pangkapayapaan ng Gitnang Silangan.
Tinukoy pa ni Hong na bilang pirmihang kasaping bansa ng United Nations (UN) Security Council, nakahanda ang Tsina na magsikap kasama ng komunidad ng daigdig, para mapatingkad ang positibo, at konstruktibong papel sa pagpapasulong ng naturang proseso.
Salin: Li Feng