|
||||||||
|
||
Nagtalumpati kahapon sa Berlin si dumadalaw na Premyer Li Keqiang ng Tsina sa pananghalian na nilakuhan ng mahigit 500 kinatawan mula sa sirkulong komersyal ng Tsina't Alemanya.
sinabi ni Li na ito ang kanyang kauna-unahang pagbisita sa isang bansa ng Unyong Europeo bilang premyer ng Tsina. Masasabi aniyang mabunga ang kanyang biyahe.
"Ang layunin ng aking biyahe ay para sa pagpapasulong ng pamumuhunan at pagbubukas ng Tsina sa Europa , lalo na sa pagbubukas ng Tsina sa Alemanya. Umaasa rin ang panig Tsino na malalabanan, kasama ang Uniyong Europeo, ang proteksyonismo at tumpak na mahahawakan ang mga alitang pangkalakalan."
Ipinahayag naman ni Philipp Rösler, kalahok na Pangalawang Chancellor at Ministro ng Kabuhayan at Teknolohiya ng Alemanya ang pag-asa ng kanyang bansa na malulutas ang kasalukuyang alitang pangkalakalan ng Tsina at Unyong Europeo sa pamamagitan ng diyalogo.
"Bineto na ng Alemanya ang resolusyon ng Uniyong Europeo hinggil sa pagpapataw ng sangsyong pantaripa laban sa mga produktong Tsino. Tinututulan ng Alemanya ang proteksyonismo at kinakatigan ang bukas na pamilihan, malayang kalakalan at pantay na kompetisyon."
Ipinahayag ni Premyer Li ang kanyang paghanga sa paninindigan ng panig Aleman. Aniya, ang paglaban sa proteksyonismo ay epektibong gamot para maisakatuparan ang muling paglago ng kabuhayan.
Inilahad din ng premyer Tsino na sa kasalukuyan, isinasagawa ng Tsina ang industriyalisasyon, impormasyonalisasyon, urbanisasyon at modernisasyon. Nakalikha aniya ito ng mga bagong pagkakataong pangkooperasyon para sa Alemanya at iba pang mga bansang Europeo.
"Nitong apatnapung (40) taong nakalipas sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina't Alemanya, palagiang sumusulong ang relasyon ng dalawang bansa tulad ng walang-tigil na umaagos na Ilog Yangtze at Ilog Rhine. Makakapagpunuan ang pagtutulungan ng umuunlad na 'Made in China' at hinog at maaasahang 'Made in Germany'."
Idinagdag ng premyer Tsino na ipinatalastas na nila ni Chancellor Angela Merkel ang pagbubukas ng Tao ng Wika ng Tsina't Alemanya. Ang wika aniya ay mahalagang pamamaraan ng pag-uugnayan ng iba't ibang bansa at tao. Umaasa aniya siyang sa pamamagitan ng pagpapasulong ng pagpapalitang pangwika at pangkultura, higit pang mapapasulong ang pag-uugnayan ng mga mamamayan ng dalawang bansa na kapuwa nagtatamasa ng maluwalhating kultura.
Salin: Jade
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |