|
||||||||
|
||
Ipinahayag kahapon ng umaga ni Yao Jian, Tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, na umaasa ang kanyang ministri na mapapasulong ang pag-unlad ng industriya ng e-commerce. Isiniwalat din niyang isinasagawa na ng mga departamento ng pananalapi at buwis ang pananaliksik at imbestigasyon hinggil sa pagpapataw ng buwis sa e-commerce.
Ipinalabas kamakailan ng Ministri ng Komersyo ng Tsina ang ulat hinggil sa lagay ng e-commerce ng Tsina sa taong 2012. Ayon sa naturang ulat, noong isang taon, lumampas sa 8 trilyong Yuan RMB ang kabuuang halaga ng transaksyon sa e-commerce market ng Tsina, na lumaki ng 31.7% kumpara sa taong 2011. Hanggang noong katapusan ng nagdaang taon, 242 milyon ang bilang ng mga online shopping users sa Tsina, na lumaki ng 24.8% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon.
Noong katapusan ng nagdaang buwan, may ulat ang media na nagsasabing pinag-aralan na ng mga kinauukulang departamento ang mosyong iniharap ni Zhang Jindong, Board Chairman ng Suning Appliance at Kagawad ng Pulitikal na Konsultatibong Kapulungan ng mga Mamamayang Tsino o CPPCC, hinggil sa pagpapataw ng buwis sa e-commerce. Sa kasalukuyan, sinu-survey ng State Taxation Administration, Ministri ng Komersyo, at iba pang departamento ng Tsina ang mga konkretong hakbangin. Tinayang sa loob ng kasalukuyang taon, pormal na ipapataw ang 5% buwis sa mga online shop.
Binigyang-diin ni Yao Jian na ang tungkulin ng kanyang ministri ay pagpapasulong ng istandartisadong pag-unlad ng industriya ng e-commerce, kaya itatakda nito ang panuntunan ng naturang industriya sa lalung madaling panahon. Kasabay nito, itinataguyod ng Ministri ng Komersyo ang pagtatakda ng "Batas sa Pagpapasulong ng E-commerce," para mapasulong ang pag-unlad ng mga e-commerce enterprises ng Tsina, lalung lalo na, ng mga katamtaman at maliliit na e-commerce enterprises.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |