Kaugnay ng isinagawang pagtatagpo nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos, ipinahayag ngayong araw ng mga ekspertong Tsino sa relasyong Sino-Amerikano, na mahalaga ang mga ito para sa pagtatatag ng bagong relasyon ng dalawang bansa.
Sinabi ni Qu Xing, Puno ng China Institute of International Studies, na ipinakikita ng kasalukuyang pagtatagpo na magkatuwang ang Tsina at E.U., at sa kabila ng mga pagkakaiba, ang kooperasyon ay pangunahing tunguhin ng relasyon ng dalawang bansa. Dagdag pa niya, ang pagtatagpong ito ay naglatag ng pundasyon para sa relasyong Sino-Amerikano sa darating na sampung taon, at mahalaga rin ito para sa kapayapaan at kaunlaran ng Asya-Pasipiko at buong daigdig.
Ipinalalagay naman ni Kong Shan, Punong Kinatawan ng International Crisis Group sa Tsina, na sa pamamagitan ng kooperasyon, mababawasan ng Tsina at E.U. ang mga elementong makakapinsala sa interes ng kapwa bansa. Halimbawa aniya, sa pagtatagpong ito, tinanggap ng Tsina ang paanyaya ng E.U. dito sa paglahok sa Rim of the Pacific Exercise sa taong 2014. Palalakasin aniya ng pagsasanay na ito ang pagtitiwalaan ng mga hukbong pandagat ng Tsina, E.U., at iba pang kalahok na bansa, at sa gayon, maiiwasan ang pagkaganap ng mga sagupaan.
Pagdating sa relasyon ng Tsina at E.U., dalawang malaking bansa ng daigdig, may isang kasabihang "kung gaano kahalaga ang relasyong Sino-Amerikano, gaanon din kasalimuot ito." Sa pamamagitan ng pagtatagpong ito, nakita ng mga tao ang pag-asang masisimulan ang isang bagong panahon ng relasyong Sino-Amerikano, na walang sagupaan at konprontasyon.