|
||||||||
|
||
Kgg. Erlinda F. Basilio (gitna) kasama sina Machelle Ramos (pang-apat mula sa kanan) at Rhio Zablan (pangatlo mula sa kanan) ng CRI Serbisyo Filipino at ang ilang miyembro ng Filipino Community sa Beijing kabilang sina Jaime FlorCruz, Anna FlorCruz, Eric Baculinao at Richard Lim
Isang seremonya ng pagtataas ng watawat ang ginanap kahapon sa Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing para ipagdiwang ang ika-115 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Kasarinlan ng Pilipinas.
Binasa ni Antonio Morales, Deputy Chief of Mission at Consul General ang mensahe ni Kalihim Albert del Rosario ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas. Sa kanyang mensahe hinimok ni del Rosario ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na tumulong sa pagpapalago ng ekonomiya at lipunang Pilipino sa pamamagitan ng entrepreneurship.
Aniya pa sa pamamagitan ng pamumuhunan sa bansa, ang mga OFWs ay maaring maging makapangyarihang pwersa na magtutulak ng kaunlaran. Dagdag ng Kalihim, ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay "Kalayaan 2013: Ambagan Tungo sa Malawakang Kaunlaran" at ito'y paalala sa lahat ng Pilipino na gumanap ng papel para maisakatuparan ang adhikain na masaganang Pilipinas.
Sa mensaheng binasa naman ni Amb. Erlinda Basilio, ipinaabot ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagbati sa mga Pilipinong nasa ibayong dagat. Sinabi ng Pangulo na bilang mga bagong bayani dapat patuloy na mag-alab sa kanilang mga puso ang pagkamakabayan at paigtingin ang bayanihan.
Ayon sa Pangulo, sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sana'y ibahagi ng mga Pilipinong nasa ibang bansa ang kultura at natatanging kabihasnan ng mga Pilipino. Dagdag pa niya, nawa'y patuloy na pangalagaan ang kapayaan at demokrasya tungo sa kasaganaan.
Sinundan ang simpleng programa ng salu-salo ng agahang Pinoy.
(Ulat: Machell Ramos at Rhio Zablan Larawan: Jun Florendo ng PH Embassy Beijing)
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |