|
||||||||
|
||
Noong ika-9 ng nakaraang buwan, binaril ng Coast Guard ang "Guang Ta Hsin 28", isang bapor-pangisda ng Taiwan, at ikinamatay ito ni Hung Shih-cheng, 65 taong gulang na mangingisda. Pagkatapos maganap ang insidenteng ito, inutusan ni Pangulong Benigno Aquino III ng Pilipinas ang NBI na agarang magsagawa ng imbestigasyon. At kinumpirma kamakalawa ni Leila de Lima, Kalihim ng Kagawaran ng Hustisya ng Pilipinas na nakuha na niya ang Report ng Imbestigasyon ng NBI.
Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, isiniwalat ng isang kinauukulang tao na sa naturang report, inilakip ng NBI ang mga pangalan ng mga tauhan ng Coast Guard na namaril sa bapor-pangisda ng Taiwan na kinabibilangan ng tauhan na direktang ikinamatay ni Hung Shih-cheng.
Pero, hanggang sa kasalukuyan, hindi pa isinasapubliko ng Pamahalaan ng Pilipinas ang lahat ng nilalaman ng naturang report. Isiniwalat ni Kalihim Lima na si Pangulong Benigno Aquino III ang magpapasya kung isasapubliko o hindi ang report na ito.
Nauna rito, ipinatalastas na ng opisyal ng NBI na posibleng humarap sa kasong kriminal ang mga Coast Guard na sangkot sa pamamaril.
Bukod dito, binigyan-diin din kamakailan ni Edwin Lacierda, Tagapagsalita ng Pangulo ng Pilipinas na umaasang ang resulta ng imbestigasyon ng NBI ay lilikha ng isang mainam na kapaligiran para mapahupa ang maigting na kalagayan sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan.
Salin:Sarah
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |