Sa pandaigdig na pulong ng UN na idinaos kahapon sa Beijing hinggil sa pagkatig sa kapayapaan ng Palestina at Israel, ipinahayag ni Ma Zhaoxu, Asistenteng Ministrong Panlabas ng Tsina, na dapat lubos na mapagtanto ng komunidad ng daigdig ang kahalagahan ng paglutas sa isyu ng Palestina sa lalong madaling panahon, at buong sikap na pagpapasulong sa pagpapanumbalik ng talastasang pangkapayapaan sa pagitan ng Palestina at Israel.
Dagdag ni Ma, ang nagsasariling pagtatatag ng estado ay di maipagkakait na karapatan ng mga mamamayang Palestino, at susi rin sa paglutas sa isyu ng Palestina. Dapat aniyang isakatuparan ang naturang target sa pamamagitan ng mapayapang talastasan.
Ipinahayag din niyang para malutas ang isyu ng Palestina, mahalaga rin ang pagpapaunlad ng kabuhayan, pagdaragdag ng hanapbuhay, at pagpapataas ng financial self-sufficiency ng Palestina. Ito aniya ay makakatulong sa pagpapahupa ng kahirapan ng mga mamamayang Palestino, at pagpapalakas ng kanilang kompiyansa sa prosesong pangkapayapaan. Nanawagan si Ma sa komunidad ng daigdig na pahalagahan ang aspektong ito.
Salin: Liu Kai