|
||||||||
|
||
Nakipag-usap nang araw rin iyon si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Pangulong Trương Tấn Sang ng Biyetnam. Sa pag-uusap, tinukoy ni Xi na dapat magkasamang pasulungin ng Tsina at Biyetnam ang bilateral na talastasan at pangkaibigang koordinasyon, walang humpay na pabutihin ang estratehikong pagtitiwalaan, maayos na hawakan ang pagkakaiba, at pigilin ang internasyunalisasyon ng isyu ng South China Sea. Nilagdaan rin ng dalawang bansa ang maraming dokumentong pangkooperasyon.
Hinggil sa isyu ng South China Sea, ipinahayag ni Pangulong Xi na maaaring lutasin ang isyung ito sa pamamagitan ng pulitikal na paraan. Tinukoy rin niyang ang susi ng kalutasan nito ay pangangalaga sa katatagan at pagpapasulong ng kooperasyon. Ipinahayag ni Pangulong Trương Tấn Sang na nakahanda ang kanyang bansa na mataimtim na isakatuparan ang komong palagay na narating ng dalawang bansa, maayos na hawakan ang kinauukulang isyu, para mapangalagaan, kasama ng Tsina, ang kapayapaan at katatagan sa dagat.
Hinggil dito, ipinahayag ni Pan Jin'e, dalubhasa sa relasyon ng Tsina at Biyetnam mula sa Chinese Academy of Social Sciences, na sapul noong 2007, kinakaharap ng relasyon ng Tsina at Biyetnam ang ilang kahirapan dahil sa pagkakaiba ng dalawang bansa sa isyu ng South China Sea. Sa kasalukuyan, nakahanda ang dalawang panig na lutasin ang isyung ito batay sa ideya ng "pagsasa-isang tabi ng pagkakaiba at magkasamang paggagalugad". Ito aniya ay isang mabuting paraan.
Sa mula't mula pa'y, ang pagpapalitang pangkabuhayan at pangkalakalan ay tampok sa kooperasyon ng Tsina at Biyetnam, ito rin ay isa sa mga pangunahing layunin ng pagdalaw ni Pangulong Trương Tấn Sang sa Tsina. Sa pag-uusap, iniharap ng mga lider ng dalawang bansa na dapat pasulungin ang pagkabalanse ng bilateral na kalakalan, at agarang isasakatuparan ang target na 60 bilyong dolyares na halaga ng bilateral na kalakalan ng dalawang panig sa 2015.
Bukod dito, sa pag-uusap, narating din ng mga lider ng Tsina at Biyetnam ang maraming komong palagay hinggil sa pagpapalalim ng komprehensibong estratehikong kooperasyon, na kinabibilangan ng pagpapanatili ng pagpapalitan ng dalawang bansa sa mataas na antas, patuloy na pagpapatingkad ng papel ng mekanismo ng Komisyon ng Bilateral na Kooperasyon, pagpapalakas ng koordinasyon ng estratehiya ng pag-unlad ng kabuhayan, pagpapalawak ng pangkaibigang pagpapalitan, pagpapalakas ng multilateral na koopreasyon at iba pa.
Salin:Sarah
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |