Dumating kahapon sa Garden Island Port sa Sydney, Australya, ang Haixun 01, pinakamalaki at pinakamodernong maritime patrol vessel ng Tsina. Ito ang kauna-unahang pagdalaw ng public service vessel ng Tsina sa Australya.
Sa seremonya ng pagsalubong, sinabi ni Graham Peachey, Puno ng Australian Maritime Safety Authority, na ang pagdalaw ng naturang bapor na Tsino sa Australya ay palatandaang lumalawak ang kooperasyon ng dalawang bansa sa mga suliraning pandagat. Sinabi naman ni Xu Guoyi, Puno ng delgasyong Tsino na sakay ng naturang bapor, na umaasa ang panig Tsino na, sa pamamagitan ng pagdalaw na ito, ibayo pang mapapalalim ang pag-uunawaan at pagtitiwalaan ng dalawang bansa, at mapapalakas ang mekanismo ng pagpapalitan at pagtutulungan sa mga suliraning pandagat.
Sa biyaheng ito sa Australya, maglalayag din ang Haixun 01 sa Port Douglas sa hilagang silangang bansa, at lalahok sa ika-14 na Asia-Pacific Heads of Maritime Safety Agencies Forum doon.