Idinaos kahapon sa Doha, Qatar ang bagong round ng pulong ng Friends of Syria. Lumahok sa pulong ang mga ministrong panlabas ng 11 bansa na gaya ng Estados Unidos, Pransya, Britanya, Ehipto, Qatar, United Arab Emirates, at iba pa. Tinalakay nila ang hinggil sa pagkakaloob ng tulong na militar sa paksyong oposisyon ng Syria.
Sa seremonya ng pagbubukas ng pulong, sinabi ni Hamad bin Jassim bin Jaber Al Thani, Ministrong Panlabas ng Qatar, na tinatanggap ng kanyang bansa ang pagdaraos sa Geneva ng ika-2 pandaigdigang pulong hinggil sa paglutas sa krisis ng Syria. Nanawagan siya para itakda ang isang roadmap, kasama ng time table, para sa transisyong pulitikal ng bansang ito.
Ipinahayag naman ni John Kerry, Kalihim ng Estado ng E.U., na sinang-ayunan ng iba't ibang panig na lutasin ang krisis ng Syria sa pamamagitan ng naturang pandaigdigang pulong. Aniya pa, dapat magkompromismo ang dalawang nagsasagupaang panig ng Syria, para mabigyang-wakas sa lalong madaling panahon ang marahas at armadong sagupaan.