Sa bisperas ng kanyang paglahok sa isang serye ng mga pulong ng mga ministrong panlabas ng Silangang Asya sa Brunei, ipinahayag dito sa Beijing kahapon ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na ang ASEAN ay itinuturing na priyoridad sa diplomasya ng Tsina sa mga kapitbansa. Aniya, isasagawa ng kanyang bansa ang mga mabisang hakbangin para walang humpay na mapalalim ang estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN. Maayos din nitong hahawakan ang mga konkretong alitan at di-pagkakasundo nila ng ilang bansang ASEAN, sa pamamagitan ng mapagkaibigang pagsasanggunian.
Ang kasalukuyang taon ay ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag ng estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN. Nitong nakalipas na 10 taon, mabilis na umunlad ang pagkakaibigang pangkapitbansa at kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan ng kapuwa panig, at nagsilbi itong pinakamasiglang modelo ng kooperasyong panrehiyon sa buong daigdig. Lumikha ang relasyon ng Tsina at ASEAN ng isang serye ng mga bagong rekord. Halimbawa, ang Tsina ay unang bansa na nagtatag ng estratehikong partnership sa ASEAN, unang bansa sa labas ng ASEAN na kusang-loob na nakisangkot at sumapi sa kasunduang pangkaibigan ng Timog Silangang Asya, at unang bansa ring nagtatag ng malayang sonang pangkalakalan sa ASEAN.
Pero nitong nakalipas na ilang taon, unti-unting lumilitaw ang mga di-pagkakasundong dulot ng isyung pandagat sa pagitan ng Tsina at ilang bansang ASEAN. Kaugnay ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang panig sa hinaharap, tinukoy ni Wang Yi na pagkaraang mabuo ang bagong pamahalaang Tsino, nasa bagong starting point ang relasyon ng Tsina at ASEAN. Nahaharap ito sa mahalagang pagkakataong pangkaunlaran. Dagdag pa niya, patuloy na kakatigan ng Tsina ang pag-unlad ng ASEAN at konstruksyon ng ASEAN Community. Kakatigan din ang patuloy na pagpapatingkad ng ASEAN ng namumunong papel sa kooperasyon ng Silangang Asya.