Kaugnay ng bagong-bunyag na surveillance program ng Amerika sa Unyong Europeo (EU), nagpalabas kagabi ng pahayag si Herman van Rompuy, Pangulo ng European Council, bilang kahilingan sa pamahalaan ng Amerika na agarang imbestigahan ang naiulat na pangyayari at ipaliwanag ang hinggil dito.
Ipinalabas kamakailan ng magasing Der Spiegel ng Alemanya ang mga lihim na dokumento, kung saan ang bahagi ay galing kay whistleblower Edward Snowden. Ayon sa mga ito, isinagawa ng National Security Agency ng Amerika ang 5-taong pagmamanman at lihim na pakikinig sa punong himpilan ng EU at mga tanggapan nito sa Washington at New York.
Sinabi ng tagapagsalita ng European Council na ikinababahala ng EU ang naturang pangyayari. Iniutos na ni Jose Manuel Barroso, Pangulo ng European Commission, na isagawa ang komprehensibong pagsusuri sa mga tanggapan.
Samantala, ipinahayag naman ni Pangulong Francois Hollande ng Pransya na hindi matatanggap ng kanyang bansa ang ganitong aksyon ng Amerika bilang isang katuwang at kaibigan. Hiniling niya sa Amerika na agarang itigil ang aksyong ito.
Salin: Liu Kai