Sa panahon ng kanyang opisyal na pagdalaw sa Tsina, kinapanayam kahapon sa Beijing ng mga mamamahayag ng CRI si Punong Ministro Nawaz Sharif ng Pakistan. Ipinahayag ni Sharif na ang pag-unlad ng kabuhayang Tsino ay nagkakaloob ng mainam na pagkakataong pangkaunlaran sa iba't ibang bansa ng Timog Asya na kinabibilangan ng Pakistan. Aniya pa, magsisikap ang bagong pamahalaan ng Pakistan para mapataas sa bagong lebel ang relasyong Sino-Pakistani.
Ang Tsina ay unang bansa na dinalawan ni Sharif sa kanyang ikatlong termino bilang Punong Ministro. Ito aniya ay dahil sa mainam na relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa. Ipinalalagay ni Sharif na ang pagpapalalim ng kooperasyon ng dalawang bansa sa kabuhayan at kalakalan ay mahalaga para sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng Pakistan bilang may-priyoridad na tungkulin ng kanyang bagong pamahalaan.
Sinabi rin ni Sharif na dapat tularan ng iba't ibang bansa ang mga natamong tagumpay ng Tsina sa pagpapaunlad ng kabuhayan, at ang pag-unlad ng kabuhayang Tsino ay magpapasulong sa kabuhayang pandaigdig. Dagdag pa niya, kung itatatag ang economic corridor ng Pakistan at Tsina, makikinabang dito ang buong Timog Asya.