Sa ilalim ng pagtataguyod ng Office of Chinese Language Council International ng Tsina at Ministri ng Edukasyon ng Thailand, idinaos kahapon sa Bangkok ang finals ng ika-6 na "Chinese Bridge" Chinese Proficiency Competition sa bansang ito. Sumali sa paligsahan ang 17 high school students mula sa iba't ibang lugar ng Thailand, at nanood dito ang mahigit 400 opisyal at personahe ng dalawang bansa.
Sinabi ni Akanit Klangsang, opisyal ng Ministri ng Edukasyon ng Thailand na namamahala sa pag-aaral at pagtuturo ng wikang Tsino, na lubos na pinahahalagahan ng kanyang ministri ang paghubog ng mga talento sa wikang Tsino. Dagdag pa niya, ang ganitong paligsahan ay mabisa para mapasigla ang pag-aaral ng mga estudyanteng Thai ng wikang Tsino, at mapalakas ang kanilang kahusayan sa wikang ito.
Isinalaysay naman ni Guan Mu, Embahador ng Tsina sa Thailand, na sa kasalukuyan, mahigit 3 libong paaralan sa Thailand ay nagbukas ng kurso sa wikang Tsino, at kumukuha ng kursong ito ang mahigit 800 libong mag-aaral. Ayon pa rin sa kanya, magkasamang itinatag ng Tsina at Thailand ang 12 Confucius Institute at 11 Confucius Classroom.