Ipinahayag kahapon ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Rusya na umaasa itong mapapanumbalik sa lalong madaling panahon ang Six-Party Talks hinggil sa isyung nuklear ng Korean Peninsula. Aniya, kung maagang mapapanumbalik ang pag-uusap na ito, higit itong makakatulong sa pagpapahupa ng tensyon sa Korean Peninsula.
Pero, inamin ng nabanggit na tagapagsalita na mahirap sabihin kung kailan mapapanumbalik ang Six-Party Talks. Ito aniya ay depende sa paninindigan ng Hilagang Korea at mga kahilingan sa bansang ito na iniharap ng komunidad ng daigdig batay sa mga resolusyon ng UN Security Council.
Kaugnay naman ng pag-uusap kamakalawa ng mga mataas na opisyal ng Ministring Panlabas ng Rusya kay Kim Kye-gwan, Pangalawang Ministrong Panlabas ng H.Korea at punong kinatawan sa isyung nuklear, sinabi ng naturang tagapagsalita na konstruktibo ang nasabing pag-uusap. Aniya, sumang-ayon ang Rusya at H.Korea na panatilihin ang pag-uugnayan, para mapasulong ang pagpapanumbalik ng Six-Party Talks.