|
||||||||
|
||
Si Ambassador Erlinda Basilio, habang nakikipagkuwentuhan kay Katrina Tuazon
Sa kanyang pagdalo kahapon sa ASEAN-China Youth Artists' Workshop Exhibition na idinaos sa punong himpilan ng ASEAN-China Center (ACC) sa Beijing, sinabi ni Erlinda F. Basilio, Embahador ng Pilipjnas sa Tsina, na ang sining ay mahalagang bahagi ng lipunan.
Aniya pa, ang sining ay walang bahid ng pulitika, at ito ay nagsisilbing tulay sa pagpapalakas ng people-to-people exchanges at pagpapahigpit ng estratehikong relasyon ng magkakapitbansa.
Dagdag pa niya, dapat pakinggan ng lahat ang mensahe ng kapayapaan at pangangalaga sa kalikasan na nakapaloob sa mga obrang idinibuho ng mga kabataang pintor na kalahok sa ASEAN-China Youth Artists' Workshop Exhibition.
Limampung (50) obra ang ipinakita sa nasabing eksibisyon, at ang mga ito ay idinibuho ng mga pintor, base sa kanilang pagdalaw sa mga lugar na gaya ng Great Wall, Forbidden City, 798 Artists' Street, Bundok Yuntai, Longmen Grottoes, Templo ng Shaolin, at marami pang ibang lugar pangkultura ng Tsina.
Pitong (7) pintor mula sa mga bansang ASEAN at tatlo (3) naman mula sa Tsina ang kalahok sa ASEAN-China Youth Artists' Workshop Exhibition.
Kabilang sa mga pintor na mula sa ASEAN ay si Katrina Tuazon ng Pilipinas.
Aniya, marami siyang natutunan sa kanyang paglahok sa nasabing eksibisyon, at lalo pang napalalim ang kanyang pag-unawa sa kagawian at kultura ng mga bansang ASEAN at Tsina
Dagdag pa ni Tuazon, ang lahat ng obra na nakadispley sa eksibisyon ay produkto ng pagpapalitan ng ideya at likhang-isip ng lahat ng kalahok na pintor.
Sinabi pa ni Embahador Basilio na siya ay nagagalak dahil may isang Pilipinong kalahok sa naturang eksibisyon na maaring magpaabot ng mensahe ng kapayapaan at pangangalaga sa kapaligiran.
/end/Rhio Zablan
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |