|
||||||||
|
||
SINABI ni Philippine Ambassador to Washington Jose L. Cuisia na nagtutulungan ang Pilipinas at Estados Unidos sapagkat kapwa kinikilala ng dalawang bansa ang kahalagahan ng matatag at maaasahang security environment.
Sa kanyang pagharap sa Foreign Correspondents Association of the Philippines kaninang umaga, sinabi ni Ambassador Cuisia na layunin ng kanyang koponan sa Estados Unidos na makatulong sa pagkakaroon ng minimum credible defense posture upang makapigil sa anumang pagkilos laban sa Pilipinas.
NAGTUTULUNGAN ANG PILIPINAS AT ESTADOS UNIDOS. Sinabi ni Philippine Ambassador to Washington Jose L. Cuisia na naniniwala ang magkabilang panig sa pangangailangan ng matatag at maaasahang seguridad para sa Pilipinas. Sa kanyang paghanap sa FoCAP kaninang umaga, nabanggit niya sa informal talks, nabanggit ng America na nais nilang makalapag at makagamit ng mga base militar ng Pilipinas na hindi lalabag sa Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement. (Mga larawan ni Melo Acuna)
Nakikipagtulungan ang Pilipinas sa Amerika, ang kaisa-isang treaty ally sa mga mekanismo na titiyak ang kasunduan sa larangan ng seguridad ay kapaki-pakinabang sa magkabilang-panig. Kasama umano nila ang Kagarawan ng Ugnayang Panglabas at Tanggulang Pambansa at iba pang mga ahensya na hindi lamang magpapalakas sa pagtutulungan bagkos ay magbubukas ng mga bagong areas of engagement sa ilalim ng humanitarian assistance at disaster relief.
Kabilang din sa kanilang gawain ang Generalized System of Preferences sapagkat noong 2010, na sa ikapitong puesto ang Pilipinas sa nangungunang GSP beneficiary countries at nagkaroon ng GSP utilization na 72%. Saklaw nito ang asukal mula sa tubo, saging, mga bahagi ng air-conditioning machines, mga muebles, gamit sa kusina, mga pilak na alahas, ilang uri ng mga damit pangbabae at pangbata at mga pinatuyong manga, bayabas at mangosteen.
Pinagbabalik-aralan pa ang pagbibigay na muli ng GSP status sa Pilipinas sapagkat may nag-reklamong human rights group tungkol sa paglabag sa mga karapatan ng mga manggagawa. Nakataya sa review ang $ 1 bilyong kalakal na may zero o preferential duty rates.
Sa panayam, sinabi ni Ambassador Cuisia na sa informal discussions iminungkahi ng America na magkaroon sila ng access sa mga base ng Pilipinas. Idinagdag niya na kung anuman ang mapagkasunduan ay nakabatay ito sa mga itinatadhana ng Visiting Forces Agreement at Mutual Defense Treaty.
Sa mga usaping bumabalot sa Mindanao, sinabi ni Ambassador Cuisia na interesado ang America na makatulong sa pagpapaunlad ng nalimutang pook. Maraming likas na kayamanan sa Mindanao na nangangailangan ng capital at teknolohiya.
Sinabi rin ni G. Cuisia na may posibilidad na gumamit ng mga base militar sa Pilipinas ang America at depende ito sa mapapagkasunduan ng magkabilang panig. Tumanggi siyang pangalanan ang mga baseng maaaring himpilan ng mga kawal at magdaragat na Americano sa Pilipinas.
Wala siyang dahilang ibinigay sa regular na paglapag ng Orion anti-submarine at maritime surveillance aircraft ng Hukbong Dagat ng Estados Unidos sa Clark Air Base.
Tumanggi si Ambassador Cuisia na kilalanin ang bansang maaaring dahilan ng regular na pagsasanay ng mga kawal Americano at Pilipino.
Niliwanag din ni Ambassador Cuisia na may kaukulang takdang panahon ng pananatili ng mga kawal Americano sa Pilipinas. Rotational presence and tawag dito, sabi pa ng ambassador bilang tugon sa pagtatagal ng mga kawal na Americano sa Pilipinas.
Sa pakikipagtulungan ng Pilipinas at Estados Unidos at iba pang mga kaibigang bansa, tiyak na makararating ang kaunlaran sa Mindanao.
Sa pamamagitan umano ng Estados Unidos, nabawasan na rin ang mga armado sa Mindanao tulad ng Abu Sayyaf kaya't binabalak na ng Armed Forces of the Philippines na ilipat na ang responsibilidad sa Philippine National Police.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |