|
||||||||
|
||
Pagkatapos ng kanyang pakikipag-usap kay Pangulong Mahmoud Abbas ng Palestina, na naganap kagabi sa Ramallah, lunsod sa kanlurang pampang ng Ilog Jordan, sinabi ni John Kerry, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos, na aanyayahan niya ang mga punong negosyador ng Palestina at Israel na idaos ang pag-uusap sa loob ng darating na ilang araw sa Washington DC. Ang pag-uusap na ito ay ituturing na pagsisikap ng Palestina at Israel para mapanumbalik ang kanilang talastasang pangkapayapaan.
Ipinahayag naman ng tagapagsalita ng pangulong Palestino na sa kanilang pag-uusap, sinabi ni Kerry kay Abbas na tinatanggap ng Israel ang prinsipyo para sa talastasang pangkapayapaan na itatag ang Estado ng Palestina batay sa hanggahan nila ng Israel noong 1967 o tinatawag na "two-state solution." Pero, dagdag pa ng tagapagsalita, mayroon pang detalye na dapat talakayin ang Palestina at Israel.
Nitong ilang araw na nakalipas, nakipag-usap si Kerry sa mga lider ng Jordan, Israel, at Palestina, para mapasulong ang pagpapanumbalik ng talastasang pangkapayapaan ng Palestina at Israel na ngayon ay nasa deadlock.
Sa isang may kinalamang ulat, nagpahayag kagabi ng pagtanggap si Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-moon ng UN sa nabanggit na pangyayari kaugnay ng talastasang pangkapayapaan ng Palestina at Israel.
Nanawagan siya sa kapwa Palestina at Israel na patuloy na magsikap para maisakatuparan ang two-state solution. Sinabi rin niyang kinakatigan ng UN ang lahat ng pagsisikap para mapanumbalik ang talastasan at maisakatuparan ang komprehensibong kapayapaan sa Gitnang Silangan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |