|
||||||||
|
||
Pagkaraang magtagumpay sa halalan ng mataas na kapulungan, ipinahayag kahapon ni Shinzo Abe, Punong Ministro at Presidente ng Liberal Democratic Party ng Hapon, na patuloy niyang isasagawa ang estratehiya ng pagpapalago ng kabuhayan, para muling mapasigla ang pambansang kabuhayan.
Tinukoy ng tagapag-analisa na nagbigay ang mga manghahalal na Hapones ng kanilang vote of confidence sa Liberal Democratic Party at Komei Party dahil umaasa silang patuloy na mapapasigla ni Abe ang kabuhayan; kaya, dapat gamitin ni Abe ang katatamong kapital na pulitikal sa "tumpak na landas" ng pagpapasulong ng pagbangon ng kabuhayan. Kung lilihis siya sa mithiin ng mga mamamayan, at magkokonsentra sa mga aksyong makakapinsala sa imaheng pandaigdig ng Hapon na gaya ng pagsususog sa konstitusyong pangkapayapaan, tiyak na hahantong ito sa negatibong epekto sa pagbangon ng kabuhayan.
Ipinalalagay ng tagapag-analisa na pagkaraang magtagumpay sa halalan, nakakuha si Abe, hindi lamang ng bentahe ng naghaharing partido sa mataas at mababang kapulungan, kundi maging ng kapital na dulot ng mataas na support rate, kaya may dalawang pagpili ang direksyon ng kanyang pangangasiwa sa hinaharap: una, patuloy na ipapauna ang pagpapaunlad ng kabuhayan; at ika-2, gagawing pangunahing paksa ang pagsususog sa konstitusyong pangkapayapaan.
Ano ang magiging pagpili ni Abe? Sa katunayan, ang mithiin ng mga mamamayan ay pinakamabuting sagot. Ayon sa isang poll ng Kyodo News Agency, binigyan ng mga manghahalal ng pinakamalaking pansin ang patakarang pangkabuhayan sa proseso ng pagboto. Tinukoy naman ng komentaryo ng Nihon Keizai Shimbun o Nikkei na ang pinakamahalagang paksa ng pamahalaan ay pagsasakatuparan ng pagbangon ng kabuhayan, pagsira sa mahigpit na limitasyon sa mga larangang gaya ng agrikultura at industriyang medikal, at pagsasagawa ng mabisang estratehiya ng paglago ng kabuhayan.
Ipinalalagay ng Japanese media na pagkatapos ng halalan ng mataas na kapulungan, nakontrol na ng liga ng dalawang naghaharing partido ang mataas at mababang kapulungan, kaya magiging mas maalwan ang landas ng pamahalaan ni Abe sa pagpapatupad ng mga patakaran. Pero kung bibiguin niya ang pananabik ng mga mamamayan sa pagpapasigla ng kabuhayan, ang kanilang kalungkutan ay direktang dadako kay Abe.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |