SUMANG-AYON ang Korte Supreme sa desisyong 13-2 sa desisyon ng lupon ng Department of Justice-Commission on Elections na nararapat litisin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kasong electoral sabotage.
Ang 13 mga mahistrado na sumang-ayon ay sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senior Associate Justice Antonio Carpio, Associate Justices Diosdado Peralta, Presbitero Velasco, Lucas Bersamin, Teresita Leonardo de Castro, Bienvenido Reyes, Jose Catral Mendoza, Estela Perlas Bernabe, Jose Perez, Mariano del Castillo, Marvic Leonen at Martin Villarama.
Ang dalawang hindi sumang-ayon sa desisyon ng nakararami ay sina Associate Justice Arturo Brion at Roberto Abad. Ayon sa desisyon, nagkaroon na ng plea of not guilty ang dating pangulo sa usaping nasa Pasay City Regional Trial Court.
Hindi lamang plea of not guilty bagkos ay nagkaroon ng motion for bail na pinagbigyan naman ng hukuman. Humingi siya ng judicial remedy sa Regional Trial Court sa halip na executive remedy sa pagbabalik sa Joint Committee para sa pagsusumite ng kanyang counter-affidavit at iba pang mga ebidensya. Ang desisyon ay ayon umano sa Rules on Criminal Procedure.