Sinabi kahapon ng tagapagsalita ng People's Party, naghaharing partido ng Kambodya, na nagwagi ang kanyang partido sa katatapos na halalang parliamentaryo. Nakuha aniya ng People's Party ang mahigit sa kalahati ng mga luklukan sa parliamento.
Ayon sa inisyal na resulta ng naturang halalan, sa lahat ng 123 luklukan ng parliamento ng Kambodya, 68 ang nakuha ng People's Party, at 55 naman ang nakuha ng National Rescue Party, partidong oposisyon ng bansang ito. Pero, hindi pa ipinalalabas ng Pambansang Lupong Elektoral ang pinal na resulta ng halalan.
Samantala, ipinahayag ngayong araw ng National Rescue Party na hindi nito tinatanggap ang nabanggit na inisyal na resulta; dahil anito, may malawakang dayaan sa halalan. Sinabi ni Sam Rainsy, Tagapangulo ng partidong ito, na hindi ipinapakita ng resulta ng naturang halalan ang hangarin ng mga mamamayang Kambodyano. Nanawagan din siya para buuin ang grupong mag-iimbestiga sa mga ilegal na aksyon sa halalan.
Salin: Liu Kai