Sinabi kahapon ni Wang Yiming, Pangalawang Puno ng Macro-economy Research Institute ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na 7.6% ang bahagdan ng paglaki ng GDP ng Tsina noong unang hati ng taon. Ang bilang na ito aniya ay pinakamataas sa mga pangunahing ekonomiya sa buong daigdig.
Binigyang-diin niya, na ang Tsina ay isa pa ring mahalagang puwersa sa pagpapasulong ng kabuhayang pandaigdig.
Sinabi ni Wang, na ang ginagawang pagsasaayos ng Sentral Pamahalaan sa estrukturang pangkabuhayan, ay ibayo pang magpapanatili ng sustenableng pag-unlad ng pambansang kabuhayan, at ito ay magbibigay ng ambag para sa sustenableng paglaki ng kabuhayang pandaigdig.
Sinabi ni Wang na ang mga pagbabago sa kabuhayang Tsino ay angkop sa likas na takbo ng kabuhayan. Ipinalalagay niya na ang proseso ng pagsasalunsod ng Tsina ay nagpapalawak ng pangangailangang panloob at ito rin ay bagong puwersa sa pag-unlad ng kabuhayan.
Salin: Ernest