Naganap kahapon sa iba't ibang lugar ng Ehipto ang bagong round ng sagupaan sa pagitan ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Mohamed Morsi at mga pulis at sundalo ng bansa. Ayon sa Ministri ng Suliraning Panloob ng Ehipto, ikinamatay na ito ng di-kukulangin sa 48 katao, at ikinasugat ng 436 iba pa. Inaresto ng mga pulis ang mahigit isang libong tagasuporta ni Morsi at miyembro ng Muslim Brotherhood.
Sa isang pahayag na ipinalabas nang araw ring iyon, tinawag ng gabinete ng Ehipto ang mga miyembro ng Muslim Brotherhood na terorista. Nanawagan din ito sa mga mamamayan na pangalagaan ang pagkakaisa ng bansa.
Samantala, patuloy na nagbibigay-pansin sa kalagayan ng Ehipto ang komunidad ng daigdig na gaya ng Tsina, Pransya, Saudi Arabia, Unyong Europeo, at iba pa. Nanawagan sila sa iba't ibang panig na panatilihin ang mahabang pisi ng pagtitimpi, at itigil ang karahasan.
Salin: Liu Kai