|
||||||||
|
||
Ayon sa ulat kahapon ng Syrian Arab News Agency, sinalakay ng mga di-pa nakikilalang aramadong tauhan, sa rehiyong al-Muadamieh, kanugnog na purok ng Damascus ang komboy ng grupong tagapag-imbestiga ng United Nations (UN).
Ayon sa pamahalaan ng Syria, mga terorista ang may-kagagawan ng insidenteng ito.
Ang al-Muadamieh ay nasa buffer zone ng mga tropang pampamahalaan at mga tropa ng oposisyon ng bansa.
Wala namang nasugatan o namatay sa naturang pag-atake, at bumalik kahapon sa nasabing lugar ang grupo ng UN upang tapusin ang kanilang imbestigasyon hinggil sa di-umano ay paggamit ng sandatang kemikal sa Syria.
Samanatala, sa isang exclusive interview na isinagawa ng pahayagang Izvestie ng Rusya, ipinahayag ni Bashar al-Assad, Pangulo ng Syria, na ang akusasyong gumamit umano ng sandatang kemikal ang mga tropang pampamahalaan ay labag sa "common sense."
Binigyan-diin niyang ang nangyayari sa Syria ay hindi rebolusyon, kundi isang teroristikong pag-atake, at ito ay naglalayong pabagsakin ang bansa. Idinagdag pa niyang hindi magiging "puppet" ng mga kanluraning bansa ang Syria.
Ayon naman kay Sergei Lavrov, Ministrong Panlabas ng Rusya, ang anumang aksyong militar laban sa Syria na walang awtorisasyon mula sa United Nations Security Council (UNSC) ay labag sa pandaigdigang batas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |