|
||||||||
|
||
Mga delegator ng round-table dialogue
Idinaos kahapon, sa Hall of the People ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ang isang roundtable dialogue sa pagitan ng mga mataas na lider-Pilipino at Chief Executive Officer (CEO) ng mga kompanyang Tsino.Ito ay bahagi ng pagdaraos ng Ika-10 China-ASEAN Exposition (CAExpo) at China-ASEAN Business Investment Summit (CABIS).
Ang naturang diyalogo ay nakatuon sa pagpapalakas at pagsusulong ng pagnenegosyo sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Gregory L. Domingo, Kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI), ang pasasalamat sa pagpili ng mga tagapag-organisa ng CAExpo at CABIS sa Pilipinas bilang "Country of Honor" ngayong taon.
Si Secratary Gregory L. Domingo ng DTI
Aniya, ang Tsina ay napaka-importanteng katuwang ng Pilipinas sa kalakalan at pagnenegosyo. Ang relasyong ito ng dalawang bansa aniya ay nagsimula, daang taon na ang nakalipas at patuloy pang umuunlad sa kasalukuyan.
Dagdag pa niya, mula noong 2012, ang Tsina ang naging pangatlong pinakamalaking trade partner ng Pilipinas: at bagamat may pagkakaiba sa opisyal na estadistika ng dalawang bansa, patuloy na tumataas, taun-taon ang bolyum ng kalakalan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas magmula noong 2009.
Ani Domingo, iniluluwas ng Pilipinas sa Tsina ang mga produktong gaya ng kompyuter data storage unit, semi-conductor device, nickel ore, diode at iba pang monolithic integrated circuit, kasama na ang iba pang produktong agrikultural.
Ang mga inaangkat naman ng Pilipinas sa Tsina aniya ay mga produktong tulad ng telecommunications equipment, Liquefied Petroleum Gas (LPG), kompyuter, at marami pang iba.
Ani Domingo, maraming pagkakapareho ang Tsina at Pilipinas, tulad ng mabilis na paglaki ng Gross Domestic Product (GDP).
Sa kanyang pakikipagdiyalogo sa mga CEO ng mga kompanyang Tsino, sinabi ng kalihim na maraming larangan kung saan maaring mapalakas ang pagpapalitang pang-ekonomiya at kooperasyon ng Tsina at Pilipinas; kabilang dito ang agrikultura, imprastruktura, aquaculture, telecommunications, at iba pa.
Sa isang hiwalay na panayam sa Serbisyo Filipino, sinabi ni Domingo na ang hidwaang panteritoryo ay hindi dapat makaapekto sa kalakalan at pagnenegosyo ng Tsina at Pilipinas.
Mula sa lunsod ng Nanning at sa ngalan ni Ernest, ito po si Rhio, nag-uulat para sa Serbisyo Filipino ng China Radio International.
caexpo201309041
|
Reporter: Rhio at Ernest
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |