|
||||||||
|
||
Mayor Bernard Faustino M.Dy ng Cavayan, Isabela
Ang Isabela ang siyang "City of Charm" ng Pilipinas ngayong taon sa Ika-10 China-ASEAN Exposition (CAExpo). Kaugnay nito, kinapanayam ng Serbisyo Filipino si Bernard Faustino M. Dy, Alkalde ng Cauayan, Isabela. Aniya, ang Isabela ang rice at corn granary ng Pilipinas, at hindi lang nito ipinoprodyus ang bigas na kinokonsumo ng Pilipinas, kundi ito rin ang pinanggagalingan ng bigas na iniluluwas sa ibang bansa.
Bukod pa riyan, sinabi rin ni Dy, na malaki ang potensyal sa turismo ng Isabela. Aniya pa, tulad ng katimugan ng Pilipinas, maraming napakagagandang destinasyong panturismo ang Isabela, pero, di-tulad sa timog, ang Isabela ay may mga "virgin" at di-pa nadedebelop na destinasyong panturista. Isa aniya ito sa mga atraksyong inaalok ng Isabela sa lahat ng gustong maglagak ng puhunan dito.
Si Edward Isidro (kanan), Provincial Board Member ng Isabela at Rhio Zablan
Samantala, sa isa pang panayam ng Serbisyo Filipino kay Edward Isidro, Provincial Board Member ng Isabela, sinabi niyang ang pagkakapili sa Isabela bilang "City of Charm" ng Pilipinas ngayong taon ay magbubukas ng mga oportunidad upang maipamalas ng Pilipinas sa mundo ang kagandahan at mga pagkakataong pangkalakalan na maaaring ialok ng Isabela sa lahat ng negosyante.
Dagdag pa ni Isidro, pagdating sa proseso ng pagtatayo ng negosyo, mayroong business investment plan ang Isabela. Ang kinakailangan lamang aniyang gawin ng mga interesadong magnegosyo ay makipag-coordinate sa panlalawigang pamahalaan o sa mga pambayang pamahalaan upang mailatag ang mga tulong na maaring ihatid sa kanila ng Isabela.
Katutubong sayaw ng mga Ifugao
Isang katutubong sayaw na nagpapakita ng mayamang kultura ng mga Ifugao ang ipinamalas din sa Pabilyon ng Pilipinas sa Ika-10 CAExpo. Masigabong palakpakan ang isinukli naman ng mga namanghang manonood.
caexpo201309061
|
Reporter: Rhio at Ernest
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |