Sa Bishkek, kabisera ng Republika ng Kyrgyzstan—Idinaos dito ngayong araw ang summit ng Shanghai Cooperation Organization (SCO). Ang tema ng kasalukuyang summit ay pag-aaral at pagtatakda ng mga hakbangin para sa ibayo pang pagpapalalim ng kooperasyong pangkapitbansaan at pangkaibigan ng mga kasaping bansa nito, at pagkokoordina ng mga paninindigan sa mahahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig.
Sa bisperas ng naturang summit, ipinalabas kamakailan ng Chinese Academy of Social Sciences ang "Ulat Hinggil sa Pag-unlad ng mga Bansa ng Gitnang Asya sa Taong 2013" at "Ulat Hinggil sa Pag-unlad ng SCO sa Taong 2013." Buong pagkakaisang ipinahayag ng mga dalubhasa na ang Tsina at 4 na bansa sa Gitnang Asya ay pawang kasaping bansa ng SCO, at kailangang palalimin ang kanilang kooperasyon sa loob ng balangkas ng SCO sa hinaharap.
Tinukoy ng ulat hinggil sa pag-unlad ng SCO na bilang isang malaking organisasyon na may pahalaga nang pahalagang katayuan sa arenang pandaigdig, pinasulong ng SCO ang pag-unlad ng rehiyon ng Gitnang Asya, at binigyan ng bagong ideya ang pagpapalakas ng bilateral at multilateral na kooperasyon. Ipinahayag ni Sun Zhuangzhi, Pangkalahatang Kalihim ng Instituto ng Pananaliksik sa SCO ng Chinese Academy of Social Sciences, na ang SCO ay nagsisilbing isang napakahalagang bagong puwersa sa pangangalaga sa katatagan at kaunlaran ng Gitnang Asya. Isinasagawa nito ang maraming pragmatikong hakbangin sa mga aspektong gaya ng pagtutol sa terorismo, separatismo, at ekstrimismo, pagbibigay-dagok sa ilang transnasyonal na krimen, at pagpapasulong ng ilang proyekto ng komunikasyon.
Noong taong 2001, pormal na itinatag ang SCO na binubuo ng anim na bansang kinabibilangan ng Tsina, Rusya, Kazakhstan, Kyrgyzstan, Tadzhikistan at Uzbekistan. Bilang tulay ng pagpapalitan at pagtutulungan sa pagitan ng Tsina at Gitnang Asya, nagpapatingkad ang SCO ng pahalaga nang pahalagang papel sa pagpapasulong ng bilateral na kabuhayan, katiwasayang panrehiyon, at iba pang larangan.
Ipinahayag ni Sun na sa susunod na yugto, dapat isagawa ng mga kasaping bansa ng SCO ang ilang aktuwal na hakbangin para mapalakas ang kanilang kooperasyon sa mga mahahalagang proyekto at larangan, at patuloy na mapanatili ang katatagan ng kalagayang pulitikal at mainam na tunguhin ng pag-unlad ng kabuhayan.